Ni Karen David
IPINAHAYAG ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro na aarangkada na bukas ang COVID-19 vaccination program sa kanilang lungsod.
Ani Teodoro, nasa 1,500 healthcare workers ng Amang Rodriguez Memorial Medical Center ang nakatakdang tumanggap ng unang COVID-19 vaccines. Habang nasa 55 prioritized recipients naman aniya ng bakuna ang nagback-out.
Ayon din sa alkalde, nirerespeto nila ang desisyon ng mga healthcare workers na tumangging magpaturok ng bakuna o mas nais ang ibang brand ng bakuna.
Nakatanggap umano siya ng report na ilang doktor sa Metro Manila ang tinatakot na kunin ang available vaccine kung hindi ay sila ang magiging huli sa priority list para sa inoculation rollout.
Binigyan-diin ni Teodoro na dapat bigyang pagkakataon ang mga ito na makatanggap ng bakuna kapag dumating na sa bansa ang preferred brand ng vaccines ng mga ito.