Ni Claire Hecita
MALAKI ang papel ng mga barangay kapitan para mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa gitna ng pagtaas ng kaso ng impeksyon sa Metro Manila.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng Pangulo ang mga kapitan sa kanilang papel sa pagpapatupad ng minimum health standards laban sa pandemya sa kanilang nasasakupan.
Aniya, kailangan ng ‘political will’ ang mga kapitan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Nagpaalala rin ang pangulo sa publiko na sumunod sa mga itinakdang minimum health standards tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, madalas na paghuhugas ng kamay at physical distancing.
Malaking tulong aniya sa bansa ang pagtalima ng bawat isa sa mga health protocol.
Sinabi rin ng Pangulo na isa lang ang buhay ng tao kaya dapat itong pangalagaan at bantayan ng tao.