Ni Vhal Divinagracia
IPATUTUPAD ngayong Lunes, March 15 ang curfew hours sa buong Metro Manila.
Nagpalabas na ng supplemental general community quarantine (GCQ) guidelines ang Quezon City ukol dito.
Ang curfew ay ipaiiral simula alas diyes ng gabi hanggang alas singko ng umaga na magtatagal hanggang March 31, 2021.
Pinapayagan pa rin ang bente-kwatro oras na operasyon ng pamilihan o bagsakan, food take-out and delivery, pharmacies, hospitals, convenience stores at iba pang esensyal na establisyimento.
Ipinagbabawal na rin ang pagsasabong, operasyon ng swimming pools, gyms, spas at internet cafés kabilang na ang muling pagpapatupad ng liquor ban.
May exemption rin ang mga taong may pasok sa trabaho o pauwi pa lang sa mga oras na saklaw ng curfew hours basta’t magpapakita ito ng company ID, APOR ID o iba pang opisyal na mga ID.