Ni Claire Hecita
IPINAHAYAG ni Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na hindi dapat ikatakot ng mga organizer ng community pantries ang panghihingi ng ilang impormasyon ng mga pulis.
Binigyang-linaw ng kalihim na walang dahilan para hindi ibigay ng isang indibidwal ang kanyang pangalan sa mga pulis sakaling magtatanong ang mga ito.
Ayon kay Año, sapat na ang ibigay sa pulis ang pangalan, contact number at konting background tungkol sa organisasyon na tumutulong sa kapwa.
Matatandaan na nagpahayag ang organizer ng Maginhawa community pantry na ikinatakot nito ang paghingi ng impormasyon ng pulis sa kanya na sa kalaunan ay tinawag na ‘profiling’ ang ginawa ng awtoridad.
Samantala, inatasan naman ni Año si Philippine National Police Chief General Debold Sinas na imbestigahan ang pagkamatay ng matandang tindero ng balut na si Rolando dela Cruz na nasawi sa isinagawang community pantry ng aktres na si Angel Locsin sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City noong nakaraang linggo.
Ito ay upang matukoy kung posible bang mapanagot si Locsin o ang mga barangay official sa insidente.