Ni Claire Hecita
HINDI ititigil ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagbibigay ng tulong sa mga overseas Filipino workers na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nagpapatuloy pa rin ang financial assistance program ng DOLE na ‘DOLE-AKAP for OFWs’.
Ito ang pamamahagi ng one-time cash assistance na sampung libong piso sa bawat kwalipikadong displaced OFW.
Tinatayang nasa mahigit limang bilyong piso na ang naitulong ng ahensya sa pamamagitan ng AKAP para sa kabuuang 497,122 na OFWs mula nang magsimula ang pandemya, wika ni Bello.
Nasa halos dalawang milyong dolyar na cash assistance naman ang naibigay sa halos sampung libong OFW na nagkasakit ng COVID-19 habang nasa 2.6 milyong dolyar na halaga ng gamot at pagkain naman ang naipamahagi sa halos 125,000 na OFWs.
Sa ngayon ay umabot na sa mahigit limandaang libong displaced OFWs ang napauwi na sa Pilipinas mula nang magsimula ang health crisis sa bansa.