Ni Vic Tahud
IPINAHAYAG ni Department of Education (DepEd) Undersecretary Nepomuceno Malaluan ngayong umaga na isinasapinal na ang listahan ng isang daang paaralan na lalahok sa dry run ng face to face classes sa bansa.
Kaugnay nito, makikipag-pulong ang technical team ng DepEd sa DOH.
Bukod sa isang daang pampublikong paaralan, may dalawampu rin na pampribadong paaralan na papayagan para sa pilot testing ng limited face-to-face classes.
Una nang inihayag ng DepEd na ang mga paaralan na papayagan para sa 2 buwan na dry run ay iyong mga nasa lugar na mababa ang risk nang hawaan ng COVID-19.
Samantala, nakatakdang pirmahan ni DepEd Secretary Leonor Briones ang panuntunan ng limited face-to-face classes ngayong araw.
Dadalhin ang guidelines sa opisina ni Health Sec. Francisco Duque III para malagdaan.