Ni Claire Robles
IDINEPENSA ni Metro Manila Council Chairman at ParaƱaque Mayor Edwin Olivarez ang ipinatutupad na instant granular lockdown sa ilang lugar sa National Capital Region.
Sinabi ni Olivarez na ang biglaang anunsyo o pagpatutupad nito ay hakbang para hindi na makaalis ang mga residente mula sa kanilang mga tahanan para takasan ang lockdown.
Ito aniya ang karaniwang nangyayari kung nauunang inaanunsyo ang lockdown dahilan para mistulang mawawalang-bisa ang nais na pagkontrol sa hawaan ng COVID-19.
Sa kasalukuyan, nasa limampung lugar na sa Quezon City ang isinailalim sa special concern lockdown.
Nakaantabay naman ang mga barangay security group ng lungsod para tumulong sa mga pangangailangan ng mga residenteng apektado.
Magtatagal ang lockdown ng labing-apat na araw kung saan sa naturang panahon ay isasailalim sa swab test ang mga residente at makatatanggap ng food packs at health kits mula sa lokal na pamahalaan.