Ni Claire Robles
INAPRUBAHAN na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang naglalayong magtatayo ng kauna-unahang mental health clinic sa bansa.
Nakatakda nang isumite sa Senado ang House Bill Number 9980 matapos itong aprubahan ng 196 na mambabatas kung saan walang bumoto laban dito o nag-abstain man lang.
Nakasaad sa panukala na itatayo ang naturang clinic na papangalanang San Jose del Monte Mental Wellness Center sa San Jose del Monte City sa Bulacan kung saan popondohan ito ng city government katuwang ang Department of Health.
Kabilang sa serbisyong ibibigay ng clinic ay psychotherapy services sa mga pasyenteng may kahirapan sa pagdadala ng emosyon, pagkabalisa at stress, depresyon, parenting issues, childhood trauma, cross-cultural issues, life transitions, post traumatic stress disorder, domestic abuse at problema o hidwaan sa pamilya.