Ni Vic Tahud
HINDI kapani-paniwala ang mga pangako ng ilang mga politiko, ayon kay dating Sen. Juan Ponce Enrile sa programang Bayan ni Juan.
Gaya na lamang aniya ng ipinapangako ni Sen. Manny Pacquiao na pabahay sa lahat ng mga informal settler.
“Napakalalakas ng hangin sa utak ng mga politiko natin, sinasabi nila, tatapusin daw nila ang kahirapan sa bansa. Bibigyan nila ng libreng pabahay ang bansa, ang mga squatter, wala na daw squatter. Magagawa mo ba ‘yun sa anim na taon ka lang, 2, 190 days ka lang po.”
Ayon pa kay Enrile, walang presidente sa buong mundo ang nakatapos ng kahirapan sa kanilang termino ng pamamahala.
Ani Enrile, saan aniya kukunin ng isang pulitiko ang pondo sa pagpapatayo ng pabahay sa lahat ng mga informal settler.
Dagdag pa ni Enrile na isang panloloko sa taumbayan ang pagpapangako ng malalaking bagay.
“Sinagot ko siya, don’t promise too much that you cannot accomplish. You can reduce poverty, there’s no question, you cannot eradicate this, who are you?”
Samantala sinabi ni Enrile na “Too much democracy is bad; too much liberty is bad.”
Nakasasama aniya ang sobrang demokrasya.
“Kailangan may limitasyon for the society kung nag-iisa ka lang na nabubuhay sa mundo, gawin mo ‘yung gusto mong gawin. But if you are a member of a society, there is a bigger responsibility, you have to think of the other people that will be affected by your behaviour.”
Ito ang naging sagot ni Enrile ukol sa katigasan ng mga tao at sa pamemeke ng mga vaccination certificate.
Aniya, hindi lang dito sa Pilipinas nangyayari ito kundi maging sa ibang bansa gaya ng Amerika.
Ani Enrile, maraming namamatay dahil sa katigasan ng ulo ng ibang mga tao.