Ni Champaigne Lopez
ANG climate change o abnormal na pagbabago-bago ng ating klima ang isa sa pinakamalaking suliranin na hinaharap sa ngayon. Ito rin ang sanhi ng malakas na bagyo, paglamig at pag-init ng temperatura, pagtaas ng tubig dagat, pagkatunaw ng yelo at mga pagsabog ng bulkan.
Sa kabila ng pagbabago ng klima, tayo bilang indibidwal ay maaaring gumawa rin ng mga hakbang upang labanan ang climate change. Narito ang ilan sa mga maaring gawin upang makatulong sa ating klima at sa ating kalikasan.
MAGTANIM
Ang mabilis na pag-init ng planeta ay isa sa mga dahilan sa pagnipis ng ating ozone layer dulot ng climate change. Kaya naman ang pagtatanim ng puno at hindi basta basta pagputol ng mga punong kahoy ay labis na makatutulong upang mabawasan ang labis na init na siyang nakasisira sa kalikasan.
ITAPON ANG BASURA SA TAMANG TAPUNAN
Ang pagtatapon ng basura sa tamang tapunan ay isang simpleng gawain lamang, ngunit kung ito ay makaka-ugalian ay malaki ang maitutulong nito sa ating kapaligiran. Simpleng pagdampot ng kalat, maliit man o malaki at ang hindi pagsunog ng mga basura ay makakalikha ng malawakang pagbabago. Ang hindi pagtapon ng basura kung saan-saan ay makatutulong sapagkat kung maraming basura ay malaki ang posibilidad na magbara sa daluyan ng tubig na siyang magdudulot ng pagbaha.
PAGTITIPID SA PAGGAMIT NG ENERHIYA
Ang sobrang paggamit ng enerhiya ay isa rin sa dahilan ng climate change. Kaya ang simpleng pagtipid sa pagkonsumo ng kuryente ay malaking bagay upang makatulong sa kapaligiran, bukod pa dito ay makakatipid din sa gastusin. Makatutulong ang pagtitipid ng enerhiya upang mabawasan ang init na nailalabas nito patungo sa ating kalangitan dahil kung sobra-sobra ang init sa ating planeta ay maaring lalong numipis ang ozone layer at patuloy na pagkasira ng pagkasira ng planeta.
MAG-RECYCLE
Hindi lahat ng mga bagay na patapon na ay wala ng halaga. Gamitin ang pagiging malikhain upang makapag-recycle. Katulad na lamang ng mga plastic bottles na ilang libong taon pa bago ma-decompose, maaring gawin itong palamuti sa tahanan o kaya naman gawing lagayan ng halaman at marami pang iba. Makatutulong ang pagrerecycle upang mabawasan ang pagdami ng basura at kapag nabawasan ang basura ay mas magiging malinis at maganda ang ating kapaligiran. Maiiwasan din ang pagkalat ng iba’t-ibang uri ng sakit.
IBAHAGI ANG KAALAMAN
Ang pagbabago ng ating kalikasan ay hindi magagawa ng isang tao lang. Ika nga “no man is an island” kaya kung ang kaalaman mo ay maipamamahagi mo sa iba at mahihikayat mo sila na tumulong sa pagprotekta sa ating kalikasan ay tiyak na mapabibilis ang pagbabago na matagal na nating inaasam.