Ni Claire Robles
MAGSISIMULA na sa Biyernes, Oktubre a-kinse ang clinical trials ng Pilipinas sa anti-parasitic drug na ivermectin.
Gagawin ito sa mga asymptomatic at mild na COVID-19 patients na nasa isolation facilities.
Ayon sa DOST Secretary Fortunato dela Peña, walong buwan tatagal ang gagawing pag-aaral.
Inihayag naman ni DOST Undersecretary for Research and Development Dr. Rowena Cristina Guevarra, natukoy na ng ahensya ang lugar kung saan gagawin ang pag-aaral.
Kabilang sa mga ito ang Ateneo Quarantine Facility, La Salle Quarantine Facility, University of the Philippines Diliman at ang Makati Science High School Quarantine Facility.
Lalahukan naman ito ng nasa 1,464 na asymptomatic at hindi malalang kaso ng mga pasyenteng may COVID-19 na may edad labing walong taong gulang pataas.
Pangungunahan naman ni Dr. Aileen Wang ang project team mula sa University of the Philippines Manila – Philippine General Hospital.
Inaasahang mailalabas ang interim analysis report ng gagawing trials sa kalagitnaan ng Disyembre ngayong taon.
Aabot naman sa dalawampu’t dalawang milyong piso ang inilaan na pondo ng gobyerno para sa gagawing clinical trials sa gamot na ivermectin.