Ni Vhal Divinagracia
POSIBLENG magamit sa ibang interes ang Facebook lalo na sa darating na 2022 elections.
Ito umano ang pinangangambahan ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor sa panayam ng Sonshine Radio.
Aniya, hindi kasi malinaw kung ano ang batayan ng censorship ng Facebook lalong-lalo na dito sa Pilipinas.
Nangyayari minsan ayon kay Defensor, bigla na lang tinatanggal ang isang video sa Facebook lalo na kung hindi ito gusto o hindi ito pinapanigan ng mga taga-censor.
“Ang censorship ng Facebook, hindi malinaw lalo’t higit sa ating bansa. Para lang maging fair sa Facebook, hindi sila ang nagsi-censor. Kumukuha sila ng third party- na sino ba talaga ang inyong nagsi-censor sa aming bansa? Pangalawa, ano ba ‘yung batayan ng censorship? Ito ‘yung mga bagay na baka naman magamit sya (Facebook) ng mga ibang interes. Magamit sya ng- lalo’t higit darating ‘yung politika natin sa 2022.”
Samantala, naibahagi ni Defensor na sa ibang bansa nga kung kinakalaban ang Pangulo, maaari nilang ipasara ang Facebook.
Subalit dito sa Pilipinas ay hinahayaang matanggal ang videos lalo na kung hindi ito pinapanigan ng taga-censor sa naturang social media platform.
Dahil dito, kailangan na talaga ayon kay Defensor na magkaroon ng batas kaugnay sa patas na censorship.
Magugunitang pinagpaliwanag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Facebook noong nakaraang taon hinggil sa ginagawang censorship nito sa mga anti-communism campaign ng Pilipinas.
Kinuwestiyon din ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang Facebook sa pakikipag-partner nito sa umano’y local fact-checkers ng bansa na Rappler at Vera Files.