Ni Vic Tahud
NANINIWALA ang OCTA Research Team na mas gaganda pa ang sitwasyon sa National Capital Region (NCR) sa katapusan ng Oktubre.
Sinabi ni Dr. Guido David na ito ay dahil posibleng maging low risk o mababa na ang banta ng COVID-19 sa Metro Manila basta magpatuloy lamang ang pagbaba sa bilang ng mga kaso ng COVID-19.
Gayunman ay ipinaalala ni David na mahalaga pa rin ang patuloy na pagsunod ng publiko sa health protocols tulad ng tamang pagsusuot ng face mask, face shield, physical distancing at huwag munang dumalo sa mga malalaking okasyon.
Kapag hindi anya nagbago ang down trend at talagang mailagay na sa low risk category ang NCR ay posibleng magtuloy-tuloy ito hanggang sa Pasko at asahan na magiging maligaya ang selebrasyon ng Pasko.