Ni Karen David
MAARING bawiin sa mga establisyemento ang kanilang safety seal o suspendihin ang kanilang business permits dahil sa paglabag sa COVID-19 Safety Rules and Regulations.
Ito ang babala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng mga establisyemento na hindi sumusunod sa Minimum Public Health Standards (MPHS) at iba pang guidelines sa ilalim ng alert level system.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, nakatanggap ang ahensya ng mga reklamo mula sa publiko ukol sa nasabing isyu.
Partikular na aniya dito ang paglabag sa itinakdang operational capacity at kabiguan na ipatupad ang requirement na ang fully vaccinated individuals lang ang pinapayagan sa mga indoor establishments na pinapayagang mag-operate gaya ng mga restaurants, amusement parks, recreational venues, fitness studios at gyms.
Dahil dito, nanawagan ang DILG sa lahat ng LGUs at PNP na magsagawa ng maraming inspeksyon sa mga establisyemento para matiyak ang pagsunod sa COVID-19 guidelines at isyuhan ng mga LGU ng show cause orders ang mga violators.
Ang safety seal ay nagpapatunay na ang isang establisyemento ay sumusunod sa MPHS laban sa COVID-19.