Ni Vic Tahud
TINITIGNAN ng Food and Drug Administration (FDA) ang posibilidad na pagbibigay ng full-approval sa mga COVID-19 vaccines sa susunod na taon.
Dahil dito, maaari nang ibenta sa mga drugstore ang mga ito sa unang quarter ng taong 2022.
Ayon kay FDA Director General Eric Doming, hindi lamang ang Pfizer kundi ang iba pa ang maaaring mabibigyan ng full approval for marketing authorization.
Matatandaang, aabot na sa 9 na COVID-19 vaccine and binigyan ng Emergency Use Authority ng FDA kabilang na rito ang Pfizer-Biontech Astrazeneca, Sinovac, Gamaleya Institute, Johnson & Johnson , Bharat Biotech, Moderna, Sinopharm at Novavax.
Sa ngayon, hindi pa nag-aaply ng full approval ang pfizer sa bansa ngunit aprubado na ito sa Amerika noong Agosto pa.
Samantala, binigyan na rin ng EUA ng FDA ang investigational drug na ronapreve para panggamot kontra COVID-19 kabilang na ang compassionate use ng molnupiravir.