Ni Claire Hecita
LALONG tumataas ang morale ng pwersa ng militar kasunod ng pagkamatay ni Jorge Madlos Alyas Ka Oris, ang kumander ng National Operations Command na nangangasiwa sa lahat ng operasyon ng mga komunistang rebelde sa buong bansa.
Matatandaan na noong Oktubre a-trenta ay nasawi sa isang engkwentro sa bulubunduking bahagi ng Impasug-Ong sa Bukidnon si Ka Oris.
Ayon kay Philippine Army Chief Lt. Gen. Andres Centino, malaki ang kanilang paniniwala na maisagawa ang mandato ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na tuldukan ang armadong pakikibaka ng mga komunista sa 2022.
Bukod sa pagkakapatay sa ilang lider ng armadong kilusan ng CPP-NPA-NDF, malaking tulong din aniya ang suporta ng taumbayan sa militar at sa gobyerno sa paglipol sa mga rebeldeng grupo.
Ayon pa kay Centino, sa ngayon ay unti-unti nang nawawalan ng impluwensya sa mga komunidad ang mga rebeldeng komunista.