Ni Claire Robles
HINILING ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel sa mga senador na muling tatakbo sa darating na eleksyon na huwag gawing ‘political grandstanding’ ang usapin sa Malampaya Gas Field.
Ito’y matapos pumayag ang Shell Petroleum N.V na ibenta ang kanilang 100 percent stake sa Shell Philippines Exploration na may 45 percent operating interest sa Petroleum Service Contract na kinabibilangan ng Malampaya Gas Field.
Sa kanyang pahayag sinabi ni Pimental na huwag nang idamay ng mga senador ang Shell sa kanilang pagpapabango sa publiko.
Binigyang-diin ni Pimentel na kung pahihirapan ng Pilipinas ang mga dayuhang investor tulad ng Shell na pumasok o lumabas sa mga kasalukuyang Petroleum Service Contracts ay posibleng wala nang tutulong sa bansa na mag-develop o maglinang sa malawak na gas deposits ng Pilipinas na kinakailangan ng bansa para matugunan ang tumataas na demand sa kuryente.
Dagdag pa ni Pimentel, kailangan ng bansa ang mga foreign gas developers tulad ng British Petroleum PLC, Exxon Mobil Corp., Saudi Arabian Oil Co., at TotalEnergies SE kung nais ng Pilipinas na magamit ang iba pang gas supplies na matatagpuan sa West Philippine Sea.