Ni Ana Paula A. Canua
ANG pamamaga ng ating lalamunan ay maaaring sanhi ng viral o bacterial infection. Kadalasan ang sore throat ay senyales na malala na ang inyong sipon, allergy at tonsillitis. Ilan sa mga sintomas ng sore throat ay makating lalamunan, hirap paglunok at mainit ang leeg.
Narito ang ilang home remedies para ma-relieve ang sore throat:
1. Steam treatment. Magpakulo ng tubig, maganda kung lalagyan ito ng herbs gaya ng:
– Thyme at oregano na may taglay na antibiotic properties,
– Cayenne pepper, ginger o luya, chamomile, licorice root, at marshmallow root na may antibacterial properties na nakapagluluwag ng paghinga dahil sa baradong sipon.
Pagkulo ng tubig, isalin ito sa palanggana na maliit o mixing bowl. Simulan ang steam treatment. Langhapin ang steam sa pamamagitan ng ilong at bibig. Tiyaking nakapikit ang inyong mga mata at nasa katamtaman ang layo sa lalagyan ng mainit na tubig. Magtaklob ng tuyong tuwalya sa ulo hanggang balikat para hindi agad makawala ang steam. Gawin ito sa loob ng dalawa hanggang apat na minuto. Maaring ulitin ang steam treatment ng apat hanggang limang beses sa isang araw.
2. Maari rin na ilublob ang twalya sa kumulong tubig, pigain ito saka ibalot sa leeg. Kapag nawala na ang init saka ito alisin. Ulitin hanggang sa bumuti ang pakiramdam.
3. Paggawa ng tsaa mula sa katas ng luya. Mayroon itong anti-inflammatory properties, ngunit bawal ito painumin sa mga batang dalawang taong gulang pababa.
Ang chamomile tea, licorice root, sage leaf at rosemary tea naman ay mayaman sa anti-viral properties. Mainam ding decongestant ang peppermint tea. At imbes na asukal, wild honey ang idagdag para tumamis ang tsaa, ang honey ay mayaman sa anti-bacterial at wound healing properties.
4. Ugaliing magmumog ng salt water. Ihalo sa isang baso ng maligamgam na tubig ang kalahati hanggang isang kutsarita ng iodized salt. Imumog ang solution sa loob ng sampu hanggang dalawampung segundo. Maari itong gawin kada dalawang oras.
5. Umiwas sa malamig na inumin at matamis na pagkain. Kapag lumagpas ng limang araw ang sore throat magpakonsulta na sa doktor.