Ni Vhal Divinagracia
NAGSIMULA nang maglatag ng kani-kanilang inisyal na plataporma ang mga presidential aspirant sakaling palarin sila sa 2022.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, nais nyang mas palawakin pa ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan para matulungan ang tourism sector.
Ito’y para maiwasan na umano ang pagkakaroon ng takot sa isa’t isa at mapagaan na ang buhay.
Nais din nitong magtayo ng mga tulay na magdudugtong ng Cebu sa Bohol at Negros na syang makatutulong din sa turismo ng naturang mga probinsya.
Kay Sen. Manny Pacquiao, nais nya namang magkaroon ng free hospitalization at medical check-ups, at maintenance medicine subsidies para sa senior citizens.
Nais din nyang mapaunlad ang barangay health care system para mabawasan ang mga pasyente sa mga hospital.
Korapsyon naman sesentro si Sen. Panfilo Lacson.
Bagamat nagpahayag na ng pag-withdraw si Sen. Bong Go, ninanais pa rin nito ang pagdadagdag ng pondo para sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM at pagpasa ng health-related bills sa Senado.
Samantala, para kay Bongbong Marcos, pagkakaisa ang ninanais nitong mangyari dahil naniniwala syang lahat ng problema ay mapapagaan kung magtutulungan ang publiko.