Ni Vhal Divinagracia
INILABAS ni Commission on Elections o COMELEC Commissioner Rowena Guanzon ang unang disqualification decision laban sa Abante Sambayanan noong December 05.
Ayon kay Jeffrey “Ka Eric” celiz, sinabi umano ni Guanzon na na-disqualify ang kanilang party list dahil bigo silang makapagdeklara na hindi sila isang foreign organization.
Isa umano sa basehan para payagan ang party list sa eleksyon ay hindi ito tumatanggap ng pondo galing sa ibang bansa.
Subalit sinabi ni Ka Eric na halatang may pang-aapi na nangyayari sa naturang desisyon ng COMELEC.
Aniya, hindi sila pinatawag ng COMELEC para depensahan ang naturang alegasyon.
Kasunod nito ay ibinahagi pa ni Ka Eric na ang gabriela nga ay napatunayang tumatanggap ng foreign funding ngunit pinayagan ito ng COMELEC para sa 2022.
Hinihikayat na ngayon ni Ka Eric ang lahat na idalanging makakakuha ng paborableng desisyon mula sa Supreme Court ang Abante Sambayanan.
Sakaling hindi talaga papayagan, itatayo nila ang kampanyang “Tigbas Boto” at “Alsa Bayan” na syang magsisilbing pinakamalawak na alyansa laban sa cpp-npa-ndf.