Ni Eugene Flores
DAHIL sa mga naglalabasang mga pagkain ngayon sa merkado tulad ng processed foods, canned goods at iba pa, nalilihis ang tuon natin sa pagkain sapagkat mas mabilis ihanda sa hapag-kainan ang mga ito.
Tayo’y nasa mababang paaralan pa lamang itinuturo na sa atin ang kahalagahan sa kalusugan ng gulay at prutas ngunit sa ngayon tila mas nahuhumaling ang mga kabataan sa lasa ng mga ready-to-eat food o processed food.
Halina’t ating balikan ang ilan sa mga benepisyo ng gulay at prutas at ang resulta ng hindi pagkain nito.
Malaki ang ambag ng gulay at prutas sa ating diyeta. Nagsusuplay ito ng phytochemicals at fiber na tumutulong sa paglilinis ng ating internal organs. Mababa rin ang calorie content ng mga gulay at malaki ang tulong sa pagpigil sa pagtaba.
Nababawasan din ang posibilidad ng pagkakasakit sa puso, high blood pressure at mga sanhi ng cancer.
Hindi maikakaila ang tulong nito sa ating katawan ngunit dahil ang ilan sa mga ito ay hindi pasok sa ating panlasa, pinipili na lang natin ang hindi pagkain ng mga ito.
At ang maaaring maging resulta nito ay nutrient deficiencies, mawawalan ng suplay ng bitamina B at C ang ating katawan na kadalasang nanggagaling sa mga gulay at prutas.
Magiging mahirap din ang ating pagtunaw ng mga kinakain dahil kailangan ang fiber sa ating digestive system na dulot ng gulay at prutas.
Ganon din ay ang pagkakaroon ng mga sakit na maaring humantong sa kanser.
Bagama’t may mga lumalabas na alternatibong food supplement para rito hindi pa rin masisiguro kung mapapantayan ng mga ito ang lahat ng benepisyo mula sa pagkain ng prutas at gulay.