Ni Vic Tahud
MAKA-AAPEKTO sa lokal na ekonomiya ang ‘No Vaccine, No Entry’ policy ayon kay Davao City Mayor Inday Sara Duterte.
Sa kabila nito, sinabi ni Mayor Sara na maaari pa ring ipatupad ito ng mga business establishment dahil sa batas ito.
Ani Mayor Sara, hindi nila ipinapatupad ang patakarang ito sa syudad ng Davao dahil lalo pa nito maaapektuhan ang ekonomiya na apektado na simula pa nang tumama ang COVID-19 pandemic.
Sa ngayon, ang syudad ay nasa ilalim ng Alert Level 2 kung saan pwede na ang 50 percent indoor venue capacity para sa mga fully vaccinated individuals at sa mga below 18 years kahit na sa mga hindi pa nabakunahan at 70 percent outdoor venue capacity.
Dagdag pa ni Mayor Inday, dapat balansehin ng syudad ang lokal na ekonomiya nito at ang paggalaw ng mga produkto at mga tao.
Saad pa ni Mayor Sara, kahit noon pa man hindi na sila nagre-require ng testing o vaccination requirements para sa mga land travel maliban sa mga air traveler na kailangan mag-presenta ng valid negative reverse transcription-polymerase chain reaction test bago ang boarding sa port of origin.