Ni Kristine Joy Labadan
KARANIWANG naiisip natin kapag naririnig ang katagang ‘calcium’ ay ‘gatas’ o ‘pampatibay ng buto’ kung saan hindi lahat sa atin ay mahilig o kayang bumili nito upang gawing pang-araw araw na inumin.
Dahil mahalaga ang papel ng calcium sa katawan marapat lamang na kumain tayo ng mga pagkaing mayaman sa calcium upang maiwasan ang panginginig ng daliri, abnormal na ritmo ng puso, problema sa balat at ngipin at osteoporosis.
Kabilang sa mga pagkaing abot-kaya ang halaga at nakapagpapatibay sa buto ay:
- Tokwa – mula ito sa mga buto ng soya. Ang maputing laman nito ay maaaring makuhanan ng hanggang 400 mg ng calcium.
- Broccoli – bukod sa mga bitamina at iba pang sustansya na makukuha dito, ang dalawang tasa ng gulay na ito ay may taglay na 85 mg ng calcium.
- Pechay – ang karaniwang gulay na ito ay makukunan ng hanggang 75 mg sa isang tasa ng dahon nito.
- Sardinas – ito’y itinuturing na pagkain ng mga pangkaraniwang Pinoy at ang isang 3 oz na de-latang sardinas ay maaaring makunan ng 325 mg ng calcium.
- Orange – bukod sa Vitamin C, maaari ring makakuha ng hanggang 55 mg ng calcium sa isang buong bunga nito.
- Salmon – may 180 mg na calcium sa isang 3 oz na de-lata.