Ni Kristine Joy Labadan
MAAARING ang pagkatuto ay pang-saglitan o pang-matagalan ngunit hindi tumitigil ang mundo at araw-araw ay maraming bagong kaalaman na natutuklasan. Makabubuti sa atin na maging bukas sa mga pagkakataong ito.
PAGBABASA: 15%
Mahalaga ang pagbabasa ngunit higit na kapakipakinabang kung matututo na maging aktibong mambabasa. Ang ibig sabihin nito’y magagawa mong maikonekta ang iyong binabasa sa iba pang kaalaman at maging sa mga pan-sariling mga karanasan.
Kasabay ng pagiging aktibo sa pagbabasa ay ang pagiging kritikal din. Kung ang mga natutunan ay nakatutulong, mabuting ugaliin ito at kung hindi nama’y hayaan na ito.
Ang positibong naidudulot ng pagbabasa ay ang kakayahan nitong magpagaan ng kalooban ng isang tao kasabay ng paggamit ng imahinasyon at bokabularyo. Lumalawak din ang pananaw ng isang tao kung siya ay isang aktibong mambabasa.
PAKIKINIG SA MGA MGA AUDIO RECORDING O PANONOOD NG PANG-EDUKASYONAL NA MATERYALES: 25 %
Ang paraang ito ay ang pakikinig at panonood upang makakuha ng mga dagdag kaalaman sa maraming bagay. Halimbawa nito ay ang panonood ng isang dokumentaryo at pakikinig o panonood ng isang intelektwal na debate.
DEMONSTRASYON: 60 %
Ang kasunod na lebel ay ang demonstrasyon. Kung may magpapakita sa’yo kung paano gawin ang isang bagay, siguradong ito’y mabilis mong matatandaan kumpara sa panonood lamang nito sa isang video o pagbabasa tungkol dito.
Ang isang demonstrasyon kung paano matutunan ang isang bagay ay tiyak na epektibo kung kaya naman marami ring tao ang mas natututo sa pamamagitan ng isang tagaturong nasa isang estudyante lamang ang atensyon. Sa ganitong paraan, maipapakita kung paano gawin ang isang bagay at pagkatapos ay hikayatin na ulitin ito hanggang sa magawang makabisado.
Sa huli’y lahat ng tao ay natututo sa iba’t-ibang paraan. Laging tandaan na ugaliing paunlarin ang sarili dahil ang tao ang pinakaimportanteng puhunan na may pinakamataas na potensyal sa mundo. Gayunman, kasabay ng pag-aaral, maging masaya sa mga bagong gawain at natuklasang kaalaman.