Ni Vic Tahud
HINIKAYAT ni Dr. Rontgene Solante, pinuno ng adult infectious diseases sa San Lazaro Hospital na i-subsidize ng gobyerno ang mga gamot kontra COVID-19 tulad ng molnupiravir.
Ayon kay Dr. Solante ang antiviral drug molnupiravir ay makatutulong sa isang pasyente na nakararanas ng sintomas ng COVID-19 upang hindi magkaroon ng severe disease ng tatlompung porsyento.
Aniya, dapat inumin ito sa loob ng limang araw kung kailan nakararanas ang sintomas.
Dagdag pa nito, dapat ding may nagmo-monitor sa pasyente habang umiinom ng gamot.
Sa ngayon, sinabi ni Dr. Solante na nagkaka-ubusan na ng gamot na molnupiravir sa mga ospital ng gobyerno at gumagamit na sila ng remdesivir.
Ayon pa rin kay Solante, puede rin gawing bahagi ng home package ng PhilHealth ang gamot sa COVID-19.
Sa ngayon, binibigay nang libre ang remdesivir sa mga ospital ng gobyerno para sa may malubha at kritikal na kondisyon dahil sa COVID-19.