Ni Crysalie Ann Montalbo
HINDI maiiwasan sa ating pang-araw-araw na buhay ang pagdadala ng mabibigat na bag o kaya nama’y pagtayo at pagyuko dahil sa mga gawaing bahay, paaralan o maging sa trabaho. Para mapanatiling matibay ang iyong buto sa likod, alamin ang ilang mga sumusunod na tips na maaaring makatulong sa’yo.
- Ihiga nang mabuti ang iyong likod habang natutulog. Sa buong araw na pagpapagod ay kinakailangan talagang maipahinga ang iyong buong katawan. Malaking tulong ang mattress at unan na susuporta upang ikaw ay makatulog nang matino. Piliin din mabuti ang unan at mattress —hindi dapat masyadong mataas o sobrang lambot. Dapat maayos ang back support na binibigay ng mattress. Hindi dapat lumulundo ang anumang parte ng iyong katawan paghiga. Ang pinakamagaling na mattress ay iyong firm ngunit hindi matigas.
- Ehersisyo. Nangangailangan ng lakas ang iyong likod pati ang abdominal muscle upang masuportahan ang iyong spine. Alamin ang mga ehersisyo na babagay dito at pwede kang mag-ehersisyo sa loob ng 20 hanggang 30 minuto bilang bahagi ng iyong daily routine. Ingatan din ang pag-eehersisyo. Maari kang ma-injure kung mali ang pag-eehersisyo o mawalang bisa ang ginagawa mo dahil mali ang iyong mga galaw. Isa itong dahilan kung bakit kinakailangan mo ng trainer o ng isang kasabay na titignan kung tama ang iyong galaw. Hindi advisable na sumunod lamang sa video.
- Pagpili ng wastong sapatos. Mahalaga ang paggamit ng tamang sapatos sa lahat ng oras. Ang tamang sapatos bukod sa mahalaga sa paglakad ay kailangan din sa pagsuporta ng ating spine. Nakatutulong ito sa alignment ng iyong spine at pag-maintain ng tamang posture.
- Massage. Maraming benepisyo ang massage sa ating katawan. Tinatanggal nito ang stress, nakakapagpataas ng endorphin ang natural na painkiller sa ating katawan at tumutulong sa magandang pagdaloy ng dugo sa buong katawan.