Ni Karen David
MAGPATUTUPAD ang Department of Transportation (DOTr) ng “No Vaccination, No Ride” policy para sa mga public transportatioan sa Metro Manila.
Sa press statement, sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na nag-isyu siya ng Department Order para sa pagpatutupad ng naturang polisiya habang nasa COVID-19 Alert Level 3 level o mas mataas pang alerto ang NCR.
Sa kautusan ng DOTr, inaatasan ang lahat ng mga ahensya at tanggapan ng DOTr na siguruhing ang mga fully vaccinated lang ang bibigyan ng ticket at papasakayin ng mga operator ng pampublikong sasakyan.
Para matiyak ito, kailangang magpakita ng mga biyahero ng physical o digital copies ng vaccine card na inisyu ng LGU o anumang IATF-prescribed document na may valid government issued ID na may larawan at address.
Kabilang naman sa mga exempted sa polisiya ay mga person with medical conditions na mayroon dully signed medical certificate na may pangalan at contact details ng kanilang doktor at mga tao na bibili ng essential goods at services katulad ng pagkain, tubig, gamot, medical devices, trabaho at medical at dental necessities bitbit ang duly issued barangay health pass.
Sinabi ni DOTr Secretary Tugade na agad magiging epektibo ang Department Order sa public transportation sandaling mailathala sa official gazette o sa isang pahayagan ng general circulation.