Ni Melrose Manuel
NAPAKAHALAGA na matutong kontrolin ang emotional stress dahil maaari itong magdulot ng isang malalang sakit, pagkasagad ng emosyon, insomnia, depresyon at pagkawasak ng magandang relasyon o ugnayan sa pamilya o sa trabaho.
Ang taong nakararanas ng stress ay madalas nababalisa o tensiyonado kaya dapat malaman kung paano haharapin ang stress.
Ang ilang nakaka-stress sa isang indibidwal ay:
Hindi panatag sa pinansiyal – huwag isipin ang epekto nito sa buhay kasi inuubos lang nito ang energy ng katawan, kundi gawing isang hamon ito upang kumayod pang higit upang makaraos sa buhay.
Hindi magkasundong relasyon sa bahay o trabaho – manatiling kalmado upang hindi pa lumala at mapawi ang tensiyon na nabubuo sa pagitan ninyo. Lutasin sa madaling panahon at matutong umintindi sa damdamin ng iba at higit sa lahat magpatawad dahil ito ang pinakamabisang gamot sa hindi pagkakaunawaan at nakababawas ng stress.
Sobrang dami ng gawain sa trabaho man o sa bahay – hindi masamang bigyan mo ng oras ang sarili mo ng sapat na pahinga. Magtakda ng tamang prayoridad at mamuhay ng simple.
Masaklap na karanasan sa buhay – maging matatag sa pagharap sa mga kapagsubukan sa buhay at maging positibo na may pag-asang naghihintay para magkaroon ng magandang kinabukasan.
Samantala, ang paggawa naman ng ilang pagbabago sa paraan ng pamumuhay ang pinakamagandang simula para mabawasan ang stress.
Iminungkahi rin ng National Institutes of Health na dapat kumain ng balanse at masustansiyang pagkain, at magkaroon ng sapat na tulog at ehersisyo.
Bawasan din ang caffeine at alak at huwag gumamit ng bawal na gamot upang matakasan ang nararanasang stress.
Ang pagbabakasyon, paggugol ng panahon kasama ang pamilya o mga kaibigan at gumawa ng mga bagay gamit ang sariling kamay ay nakatutulong din na pawiin ang stress na nararanasan.