Ni Claire Robles
POSIBLENG makaaapekto sa nalalapit na halalan ang natuklasang pangha-hack sa servers ng Commission on Elections.
Ito ang hayagang sinabi ni Art Samaniego, tech expert ng Manila Bulletin sa ekslusibong panayam ng Sonshine Radio hinggil sa kanilang nadiskubreng hacking insident sa COMELEC noong Sabado, Enero a-otso.
Ani Samaniego, batay sa nadiskubre ng MB TechNews Team, mahahalagang impormasyon ang nakuha ng mga hacker mula sa COMELEC dahil ito ay may kaugnayan sa eleksyon.
Aminado si Samaniego na delikado ang impormasyon na kanilang hawak, dahil posible itong magbigay ng pagdududa sa resulta ng halalan at sa mismong COMELEC, pero kailangan aniya nila itong ilabas dahil sa kawalan din ng aksyon ng komisyon at responsibilidad nila ito sa taumbayan.
Ipinaliwanag din ni Samaniego na sakali mang may breach, maaagapan ito ng mga eksperto.
Gayunman, kahit na hindi inaalis ang anggulong inside job, naniniwala si Samaniego na walang inside job sa hacking incident na ito sa server ng COMELEC.
Ngunit binigyang-diin ni Samaniego, may babala ang mga hacker sa COMELEC na kung hindi aaminin ng komisyon ang insidente, ay kanilang ilalabas sa publiko ang nakuhang mahahalagang impormasyon.