Ni Melrose Manuel
TUMATANGGAP na ang Commission on Elections (COMELEC) ng accreditation para sa independently organized debates na may kaugnayan sa May 9 eleksyon.
Batay sa Resolution No. 10764 na inilabas ng COMELEC, ang mga aplikante ay kailangang magsumite ng documentary requirements sa Information Division of the Comelec’s Education at Information Department ng komisyon para sa gagawing national debate, forum, o interview series.
Nakasaad din sa resolusyon na ang mga aplikante ay dapat magsumite ng Letter of Intent sa Director IV ng Education and Information Department o sa Regional Election Director.
Dapat ding magbigay ng hard copies ng imbitasyon para sa partisipasyon ng national o lokal na debate na may proof of receipt or services.
Kasunod nito ay maglalabas naman ang COMELEC ng sertipikasyon para sa accreditation ng isasagawang debate sa loob ng 48 oras.
Pinatitiyak din ng komisyon na masusunod pa rin ang minimum health protocols na itinakda ng the Inter-Agency Task Force.