Ni Vic Tahud
POSIBLENG tumaas ang kaso ng COVID-19 sa mga lugar na sinasalanta ng bagyo kung hindi magiging maingat ang local government unit sa pagpapatupad ng mga health protocol sa mga evacuation center.
Ito ang inihayag ni Prof. Ranjit Rye ng UP OCTA Research sa panayam ng Sonshine Radio.
“Kapag nasa evacuation center talaga ‘yong mga tao ng matagal ng isang linggo o dalawa ay malaki ‘yong tsansa po, at hindi napa-practice ‘yong testing, tracing and isolation, wala masyadong social distancing, walang universal wearing of mask, may posibilidad po na magkaroon ng uptick ng COVID-19 do’n sa mga lugar na nasalanta ng bagyo,” ani Prof. Ranjit Rye.
Ayon naman kay Prof. Rye, bagama’t may posibilidad na magkaroon ng hawaan ng COVID-19 sa mga evacuation center naka-depende pa rin ito sa bilang ng dami ng kaso ng COVID-19 sa probinsyang sinalanta ng bagyo.
Payo naman ni Prof. Rye na dapat sumunod sa mga health protocol na ipatutupad sa mga evacuation center upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19.
Sa ngayon, binanggit ni Prof. Rye na sa mga lugar ng Cagayan at Isabela, mayroon ng recorded community transmission kung kaya’t mas kailangan ng ibayong pag-iingat sa mga evacuation center.