HINDI mapipigilan ng pandemic restrictions ang paglunsad ng Kasambahay Kasambuhay
Pilipinas Awards ngayong taon. Ito ang sinabi ng awards organizers, JCI Senate Philippines, Inc.
at sponsors Palawan Pawnshop – Palawan Express Pera Padala, sa isang media conference
kamakailan.
“Natuloy ang search sa kabila ng mga kalamidad sa nakaraang limang taon. Matutuloy
ito sa taong ito,” sabi ni Ginoong Bobby L. Castro, President at CEO ng Palawan Pawnshop
Group. “Ito ay aming paraan para sabihing ‘Salamat, Nay, Ate, Kuya, Manang’ sa mga
kasambahay na itinuturing naming bahagi ng pamilya.”
Bilang pagsunod sa umiiral na health protocols, mananaig ang teknolohiyang digital at
social media sa taong ito para makatipon ng mga nominasyon, suriin at pagpasyahan ang
entries, at magdaos ng star-studded recognition night sa Disyembre para sa 10 bukod-tanging
kasambahay.
Bawat isa sa pararangalan ay magkakamit ng P100,000.00 cash bilang pagkilala.
Dagdag pa, 21 natatanging kasambahay ang tatanggap ng P10,000.00 cash, kasama ang
pinaka-“liked” at shared sa Facebook.
“Itinutulak kami ng aming commitment sa household workers na ituloy ang search sa
kabila ng paghihigpit para masawata ang covid-19,” sabi ni Olive Benito, JCI Senate Philippines
chairperson para sa 2021 Kasambahay, Kasambuhay Pilipinas Awards.
Sabi pa ni Benito “kailangan ang sobra-sobrang pasalamat sa kanila dahil doble ang
pagod nila sa dagdag na trabahong dulot ng work-from-home at online education ng mga amo
at pamilya.”
Matapos mabigyan ng permiso ng employer, dapat i-post ng qualified kasambahay ang
kanilang kuwento sa Facebook kasama ang masasayang litrato sa trabaho. Dapat i-tag ang post
ng @JCIKasambahay at lagyan ng hashtag na #KasambahayKasambuhay2021.
Kasunod nito, dapat din ihayag sa search organizers ang nasabing post gamit ang FB
Messenger at address na @JCIKasambahay. Mangyaring ipakilala ang sarili at sagutin ang ilang
tanong doon.
Sa mga di-bihasa sa internet, bumisita sa alinmang Palawan Pawnshop branch para
makakuha ng nomination form na dumidetalye sa lahat ng hakbang at requirements para
makasali. Handang tumulong ang staff ng Palawan Pawnshop para sa nangangailangan ng
assistance.
Sa Palawan Pawnshop branch din na iyon ibalik ang napunuang nomination form.
Ika-anim na sunod na taong pagdaraos ng Kasambahay Kasambuhay Pilipinas Awards
sa taong ito. Unang idinaos ang search noong 2016 at 45 kasambahay na ang tumanggap ng
pagkilala mula noon, bukod sa 10 pang kikilalanin ngayon.