Ni Vic Tahud
AABOT sa P250 billion ang nawawalang pera sa gobyerno dahil sa smuggling.
Ito ang inihayag ni senatorial candidate Jesus Aranza sa programang Bayan ni Juan sa Sonshine Radio.
Aniya, ito ang dahilan kung bakit ayaw na ayaw niya ng smuggling dahil makaaapekto rin ito sa mga negosyo ng bansa.
Ani Aranza, “Bago makakuha ng P250-B, ang VAT ay 12% ng halaga ng produkto. Tama ho ba? So, bago makakuha ng P250-B, kailangan ang pumasok ng goods sa ating bansa na hindi nagbayad ng karampatang buwis ay P2.03 trillion.”
Dahil dito, maaapektuhan ang mga produktong binebenta ng mga local industries kaya’t posibleng mabawasan ang kanilang kita at mawawalan ng trabaho ang ilang mga Pilipino.
Dagdag pa ni Aranza, kung mawawalan ng trabaho ang isang Pinoy, mawawalan din ito ng pera pambili ng kanyang mga pangangailangan.
Kaya naman, sinabi ni Aranza na mas mainam na tangkilikin ang mga produkto na nagbabayad ng tamang buwis kaysa sa mga ipinuslit na produkto.
Aniya, mas makatutulong sa gobyerno, local industries at sa mga empleyado kung ititigil ang smuggling.