Ni Arjay Adan
IPINAHAYAG ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na posibleng bakunahan ang mga tao ng COVID-19 vaccine kada taon.
Ito ay dahil aniya nagmu-mutate ang new coronavirus na nagsasanhi ng sakit.
Kasunod ito sa pahayag ni Johnson & Johnson Chief Executive Officer Alex Gorsky sa isang panayam nito kung saan sinabi na maaaring taunang magpaturok ang publiko ng COVID-19 vaccine sa mga susunod na taon gaya ng seasonal flu shots.
Sinabi ni Vergeire, kahit na ang mga local experts ay sinabi na ang tagal ng epekto ng COVID-19 vaccine ay hindi pa rin tukoy.
Pinaliwanag pa nito na ang mga vaccine manufacturers ay kailangang patuloy na mag-adjust upang patuloy na maging epektibo ang kanilang mga produkto laban sa mga bagong variants ng SARS-COV-2, ang virus na responsable sa COVID-19.
Samantala, maaaring makinabang ang mga health workers mula sa police at militar mula sa unang batch ng COVID-19 vaccines na inaasahang darating sa bansa ngayong Pebrero ayon kay Health Secretary Francisco Duque.
Inaabangan ng bansa ang pagdating ng 117 doses ng Pfizer-BioNTech vaccine ngayong buwan sa pamamagitan ng COVAX facility, isang inisyatibo na pinangungunahan ng World Health Organization.
Ang mga healthcare workers ang nasa top priority para sa COVID-19 vaccination at ang limitadong suplay ng bakuna ay sapat lamang sa 58,000 health frontliners dahil sa ang Pfizer-BioNTech vaccines ay nangangailangan ng dalawang doses sa loob ng 21 hanggang 28 na araw.
Bukod sa pangunahing COVID-19 referral centers ng bansa, ang unang tranche ng Pfizer ay ipapamahagi rin sa local government hospitals at limang private medical centers sa Metro Manila pati na sa ibang DOH-designated hospitals.
Sinabi ni Duque na ang mga sobrang doses na darating ngayong buwan ay maaaring ipamahagi sa mga health workers ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.