Ni: Jonnalyn Cortez
PANGUNGUNAHAN ng mga atletang differently-abled ng Negros Occidental ang kauna-unahang national men’s sitting volleyball team na lalahok sa 10th ASEAN Para Games sa darating na Marso dito sa bansa.
Labing-apat mula sa 15 manlalaro ay Negrense, kabilang na ang pito mula sa Silay City, anim mula sa Cadiz City, Bago City at Kabankalan City at isa mula sa Sagay City. Ang isa naman na natitira ay mula sa Surigao. Pamumunuan ng team captain na si Eric Molavin ang koponan, kasama si Mayor Mark Golez.
Lumuwas ang mga manlalaro pa-Maynila noong Enero 5 upang umpisahan ang kanilang training para sa regional games.
“With our unity as a team, I believe we will be able to bring pride and glory for our country,” wika ni Molavin. “We continue to train. It’s also an advantage that the Philippines is hosting the games.”
Aminado si Molavin na maituturing silang baguhan sa larangang ito kumpara sa kanilang mga kalaban na mula sa mga bansa sa Southeast Asia na mas maraming karanasan at exposure.
Ayon sa World Para Volley, 10,000 atleta ang naglalaro para sa sitting volleyball mula sa 75 na bansa sa buong mundo. Kaya’t ipinagmamalaki ni Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon, na mula rin sa Cadiz City at nagbigay ng mga uniporme para sa koponan, na mula sa kanilang probinsya ang mga manlalaro.