MARIING nilinaw ni Philippine Olympic Committee o POC Chairman Abraham ‘Bambol’ Tolentino na nanatiling bakante ang presidency position sa naturang sports governing body.
Ito ang naging pahayag ni Tolentino sa naging pulong balitaan kamakailan.
Aniya, magkakaroon sila ng general assembly sa susunod na Martes, June 25 kung saan inaanunsyo rin nila ang magiging petsa ng gaganaping botohan para sa susunod na POC president.
Giit pa ni Tolentino na sumusunod lang sila sa POC bylaws kung saan nangangailangan magkaroon ng eleksyon sa susunod na 30 araw kung hindi papasok sa mga qualification ang pangalawang pangulo sa pagka-presidente.
Ayon kasi sa Article 7 Section 1 na ang bawat presidente ay dapat nakapagserbisyo na ng apat na taon bilang national sports association president ng isang Olympic sports, naihalal ng isa sa mga incumbent president na nakapagrepresenta na ng isang Olympic sports at aktibo sa mga POC General Assembly sa sunod na dalawang taon.
Pagsisiwalat naman ng POC chairman na hindi kwalipikado si 1st Vice President Joey Romasanta na una nang napabalita na hahalili sa nagbitiw na si Ricky Vargas at si 2nd Vice President Antonio Tamayo kaya sinusunod lang nila ang POC bylaws.
Matatandaang biglaang nagbitiw si dating POC President Vargas sa posisyon nitong nakaraang Martes, June 18 sa kanilang executive session.