STEPHEN Curry
EUGENE FLORES
LIMANG buwan matapos matamo ang bali sa kaliwang kamay ay tuloy na tuloy na ang pagbabalik sa Golden State Warriors ng two-time regular season MVP na si Stephen Curry.
Aniya, Marso ang plano niyang pagbabalik at naging maganda ang kaniyang rehabilitation tungo sa pagpapagaling.
Naging miserable ang 2020 season ng Warriors dahil una, nawala si Kevin Durant sa free agency na pumirma sa bagong koponan nito na Brooklyn Nets; pangalawa, sidelined rin ang ka-tandem ni Curry na si Klay Thompson matapos ang ACL injury na nakuha nito noong 2019 NBA Finals; at pangatlo, ang injury ni Curry.
Bagama’t malabo nang makapasok sa playoffs ang Warriors na naging parte ng huling limang NBA Finals, maglalaro pa rin si Curry sa mga nalalabing laban ng koponan.
Kamakailan ay sumabak na si Curry sa scrimmage at maaari na ulit sa mga physical contact.
Lumabas din ang ilang mga video na nagpapakita nang patuloy na progreso sa kanyang rehab.
“That’s all fun, and you know there’s a purpose to it, but there’s nothing like just playing basketball and competing and having fun out there the way I like to do,” wika ni Curry.
May average na 20.3 puntos kada laro si Curry sa kanyang unang apat na laro sa 2020 NBA season bago nagtamo ng injury.
Isa si Curry sa dahilan kung bakit nabago ang uri ng paglalaro sa NBA ngayon dahil sa kanyang three-point shooting kung kaya’t inaabangan ng marami ang kanyang pagbabalik sa liga. Maging ang wingman sharpshooter at kalahati ng splash brother duo na si Klay Thompson, ay nagaabang din nito.
Magandang timing din ito upang mas ma-develop ang chemistry niya at ng bagong star player na si Andrew Wiggins matapos i-trade ng Warriors ang All-Star guard na si D’Angelo Russell sa Minnesota Timberwolves.