Ni: Maynard Delfin
Determinasyon at lakas ng loob ang nagsisilbing sandata ng Philippine National Triathlon team upang mapanatili ang kanilang pananalig na mapagtatagumpayan nila ang kakaharaping hamon sa 29th Southeast Asian Games (SEAG) sa Malaysia.
Puspusan na ang mga pagsasanay ng mga nangungunang pambatong triathletes ng bansa na sa kasalukuyan ay masigasig na nag-eensayo at nagpapagal na makamit ang pinakamabilis na oras sa tatlong larangan ng patimpalak—paglangoy, pagbibisikleta, at pagtakbo (swim-bike-run).
Nakadestino ang koponan ng Pilipinas ngayon sa ibang bansa upang mas mahasa ang kanilang husay at magsanay kasabay ang iba pang mga banyagang atleta. Sina Ani De Leon-Brown at Melvin Fausto ang tatayong mga head coaches ng Philippine team.
Natatanging mga atleta
Ayon kay Tom Carrasco, ang secretary-general ng Triathlon Association of the Philippines, naghahanda na sina Nikko Huelgas, Maria Claire Adorna at Kim Mangrobang bitbit ang kanilang mga maleta sa pagsabak sa napipintong pormal na pagbubukas ng SEAG sa Agosto 19 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Nasa Johor Bahru sa Malaysia na ang 2015 SEAG champion na si Huelgas na may record sa kanyang winning time na 2:04:32.
Habang ang mga kapwa Singapore SEAG titleholders na si Adorna (gold medalist) ay nasa Phuket, Thailand at si Mangrobang naman (silver medalist) ay sumalang sa patimpalak sa Rio Maior, Portugal bago ang SEAG.
Magmula pa noong 2014, si Mangrobang ang sinasanay na ng tanyag na Portuges na coach sa Desmor High Performance Camp sa Rio Maior, isang bayan malapit sa Lisbon.
Habang papalapit na ang mga kumpetisyon sa triathlon na gaganapin sa Agosto 21 sa Putrajaya, nararamdaman na ng Triathlon chief na si Carrasco na ang koponan ng Pilipinas ay abot-kamay na makasungkit muli ng mga ginto at magbigay ng karangalan sa Pilipinas.
Dikit na laban sa ginto
Sa kategorya ng mga kababaihan, kaabang-abang ang mga magiging kaganapan sa paghaharap ng mga frontrunners sa patimpalak ang kapawa Pilipino na sina Adorna at Mangrobang. Pareho sila determinadong makamit ang ginto para sa bansa.
Pinaniniwalang ang 24-anyos na Mangrobang ang pinakamalupit na katunggali ni Adorna sa kumpetisyon na ngayon pa lang ay gumagawa na ng ingay sa pagsali sa mga patimpalak sa ibayong dagat.
Kamakailan lamang, nakilahok si Mangrobang sa ITU World Cup sa Hungary at natapos ng ika-19 sa lahat ng sumaling 26 na bansa.
Bigo man si Mangrobang na makauwi ng medalya, ang patimpalak na ito ay isang daan para sa kanya na magkaroon ng plataporma na makipagtunggali kasabay ang karamihan ng mga atletang taga-Europa.
Ilan sa mga banyaga na naungusan ni Mangrobang sa sinalihang World Cup ay mula sa Hungary, Japan, Serbia, Poland, Italy, at Switzerland.
“Things are looking great but still you cannot rule out something unfortunate happening during the race,” ani ni Carrasco.
Pagtatangol sa titulo
Sina Adorna at Huelgas ang may hawak ng gintong titulo sa SEAG triathlon. Sisiskapin nilang mapanatili ito sa Pilipinas sa kanilang nalalapit na pakikipagbuno sa ibang mga Asyanong kalahok sa Kuala Lumpur.
Para sa Pinay na triathlete na si Adorna, naniniwala siya na kayang niyang maiuwi muli ang ginto subalit nabanggit niya na hindi magiging madali ang daan sa pagkamit nito.
Aniya sa taong ito, marami rin na magagaling na kalahok na naghahanda mula sa Indonesia, Laos, Myanmar, Vietnam, Malaysia, Thailand, at Singapore.
“I think it will be tougher because other countries are now aware of what the Philippines can do, so they are really preparing hard also,” sinabi niya sa isang panayam sa Manila Times.
Dagdag pa niya na ibinibigay niya ang lahat sa bawat training niya araw-araw. Kumpansya siyang muling maiuuwi nila ni Mangrobang ang gold at silver na medalya.
Si Adorna bilang gold medalist sa women’s event ay may winning time record na 2:13:08 samantalang si Mangrobang ay may 2:14:26 na oras bilang silver medalist sa women’s triathlon sa 2015 Singapore SEAG.
Kasama sa four-man triathlon squad ng Pilipinas si John Chicano na katandem ni Huelgas sa men’s event na sasabak din sa triathlon na gaganapin sa Water Sport Complex sa Putrajaya.
“Inaasahan namin na makakamtan naming muli ang ginawa namin sa Singapore,” sabi ni Carrasco.
Dagdag pa nya na sisiguraduhin nilang nasa magandang kondisyon ang mga pangangatawan at pag-iisip ng mga atleta bago at sa panahon ng kanilang laban.