Pinas News
USAP-USAPAN sa kongreso, senado, at sa mga may kaugnayang mga ahensiya ang hinggil sa Martial Law sa Mindanao na matatapos na ngayong Disyembre 31 kung kailangan pa ba itong palawigin o wakasan na.
Sa inaasahan, may mga tumututol sa planong pagpapalawig pa nito. Sinabi ng mga leftist na bakit palalawigin pa? hindi naman umano solusyon ang militar para matugunan ang ugat sa dahilan ng sigalot at hidwaan sa Mindanao.
Kung tutuusin, sino ba naman ang may gustong papalawigin ang Martial Law sa Mindanao? Marami ang naaapektuhan dahil sa limitasyon ng kilos ng mga mamamayan sa lugar na makapag-aantala lalo na sa mga negosyong may kalakalang inilalabas at ipinapasok sa naturang isla.
Isa sa pangunahing naapektuhan ay ang industriya ng turismo sa Mindanao. Simula ng magdeklara ng Martial Law si Pangulong Duterte bumaba ang bilang ng mga turistang pumapasok sa Mindanao. Nakararanas din ang mga establisamiyento ng pagbaba ng bilang ng kanilang mga mamimili. Ngunit sa kabuuan ay maliit lamang umano ang apekto ng Martial Law sa Mindanao sa ekonomiya nito.
Sana maging normal na ang lahat ng mga bagay sa Lungsod ng Marawi bago pa man matapos ang taong ito upang maalis na ang panghihigpit ng mga kamay ng Martial Law at maibalik na sa normal ang kalakaran sa buong Mindanao.
Mawawala na rin ang pag-aalinlangan sa mga negosyanteng nais na magtayo ng negosyo sa katimugang bahagi ng bansa. At mawawala na ang mga agam-agam na pangamba ng mga banyagang turistang pinaaalalahanan ng kanilang pamahalaan na iwasan ang pagbiyahe sa Mindanao.
Hindi pa nagbibigay ng pormal na rekomendasyon ang Armed Forces of the Philippines (AFP), na siyang pinagkakatiwalaan ng Malakanyang na magbigay ng rekomendasyon kung kailangan pa ba nitong palawigin ang Martial Law pagkatapos ng Disyembre 31 ng taong ito.
Ngunit sinabi ng militar na nananatiling pangamba sa lugar ang iilang mga grupo ng mga terorista matapos na mahuli ang tatlong suspek na miyembro ng Abu Sayyaf na may planong umatake sa Maynila sa panahon ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Isa ito sa babala ng militar na maaaring mapalawig ang Martial Law.
Gayunpaman, iaasa na lang natin sa mga dalubhasa kagaya ng AFP at ng Philippine National Police (PNP) ang magiging desisyon sa Martial Law kagaya ng pagbigay tiwala ng pangulo sa kanila na siyang nakakaalam sa totoong situwasyon sa Marawi at sa buong Mindanao.