ANG soya beans plantation ng mga Layson.
Ni: Janet Rebusio- Ducayag
ANO ang kinalaman ng pagsusulat sa pagsasaka? Maari ba itong pagsabayin?
Si Gadmer o Mer Layson, reporter ng Pilipino Star Ngayon (PSN) ay isa ring soya milk maker mula sa Mexico, Pampanga.
Bilang reporter, larawan siya ng sipag at tiyaga na higit na kailangan upang magtagumpay sa propesyon. Naging pangulo rin siya ng iba’t ibang press corps at naipakita niya kung paano ang maging tunay na lider ng samahan.
Nagmula si Layson sa isang malaki ngunit mahirap na angkan kaya’t sa murang edad kinailangan na niyang magbanat ng buto sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa isang bukirin. Ngunit ang kahirapan na kanyang dinanas ang kanyang naging sandigan upang tumibay ang dibdib na harapin ang anumang hamong darating pa sa kanyang buhay.
Bilang katuwang sa buhay ng kanyang asawang si Mary Ann at ama ng tatlong anak na sina Kyla, 18; Kyle, 10 at Kevin, 6, nais ni Layson na ibigay sa mga ito ang masaganang buhay na hindi nito naranasan sa kanyang kabataan.
Kuwento pa ni Layson, noong nagsisipaglakihan na ang kanilang mga anak, nagdesisyon silang mag-asawa na magtayo ng isang maliit na negosyo. Narinig niya sa radyo ang tungkol sa training course sa soybean production at processing sa Nueva Ecija sa pamamahala ng Philippine Center for Postharvest Development and Merchanization (PhilMech), kapartner ang Agricultural Training Institute (ATI) ng Pampanga.
Ang Golden Beans Producers Cooperative, kung saan kasapi si Layson ay sumali sa naturang pagsasanay.
Sa isa pang okasyon na kanyang dinaluhan, namahagi ang Department of Agriculture ng 10 kilong buto ng soybeans at itinanim niya ito sa kanyang sakahan sa Mexico Pampanga bilang kahalili ng mais.
KAHIT sa bahay ay nagagamit ni Mer ang pagiging magsasaka, ang mga gulay ay itinatanim sa botelyang plastic sa kanilang terrace.
Inilunsad ang KKK Products
Sinimulan nilang mag-asawa ang negosyo sa soybean processing noong Setyembre 2013. Una nilang pinatitikim sa kanilang mga supling ang kanilang mga processed products at ang anumang paborito ng mga ito ay siyang kanilang magiging produkto. Paborito ng kanilang mga anak ang soya milk at pastillas.
Ang mga produktong ito ay tinawag nilang KKK alinsunod sa pangalang Kyla, Kyle at Kevin ngunit ang pastillas ay masyadong matrabaho ang paggawa, kaya nagdesisyon silang mag focus na lamang sa paggawa ng soya milk.
Bilang isang taga media, madali para kay Layson ang kumumbinse ng mga kustomer dahil mismong ang kanyang pamilya ay tumatangkilik ng kanilang produkto. Dagdag pa niyang kuwento, silang buong pamilya ay umiinom ng soya milk at dahil dito’y madalang lang silang magkasakit. Ang soya milk umano ang sekreto ng kanilang magandang kalusugan. Ang lahat umano ng kita sa kanilang negosyo sa soya milk ay para sa kanilang mga anak.
Mabibili ang mga produkto ni Layson sa mga eskuwelahan sa Intramuros area, sa canteen ng Philipine Star at mga pribadong retailers kabilang ang kanyang kapatid na lalaki.
Naniniwala si Layson na ang kanilang soya milk business ay magtutuluy-tuloy at ito ang kanilang magiging daan tungo sa tagumpay. Nagpoproseso ang mga Layson ng 250 bote ng soya milk kada araw at ito’y direkta na binebenta sa mga kustomer at umaabot ng P2,000 bawat araw o P60,000 kada buwan ang kita dito.
ANG ngayong mamahaling sili ay isa sa pinapalago ni Mer.
Malaking tulong ang Philmech
Dagdag pa ni Layson, malaki ang naitulong ng Philmech sa kanila dahil tinuruan siya at pinahiram ng mga equipment sa pagproseso ng soy beans. Wala silang soya milk business kung wala ang Philmech bukod pa sa hindi rin sana siya makakapagbigay ng trabaho sa ibang tao.
“Noon, tricycle ang aking gamit sa pagdi-deliver ng soya milk, ngayon ay gamit ko na rin ang aking bagong Montero sa pagdi- deliver,” buong pagmamalaking kuwento ni Layson.
Dahil sa soya processing business na ito ay hindi lamang ang kanilang pamilya ang nadagdagan ng kita kundi nakapagbigay pa ito ng hanapbuhay sa apat nilang trabahador. Libre ang tirahan at pagkain ng mga ito.
Ang determinasyong ito ni Layson na umasenso ay nagsimula nang makita nito ang isang kapitbahay na may kapansanan. “Kung nakaya niyang kumuha ng mga pictures gamit ang kamera na walang mga daliri, ako pa kaya na may kumpletong kamay?” pagbabalik-tanaw ni Layson.
Commercial photographer
Si Layson ay nagsimula bilang commercial photographer. Nabili niya ang kanyang camera mula sa parte niya sa aning palay ng kanyang ama. Kumukuha siya ng mga larawan sa bawat KBL na kanyang dinadaluhan.
“Ang KBL ay nangangahulugan ng Kasal, Binyag at Libing,” ang natatawang kuwento niya. Naging photographer din siya sa mga paaralan, showbiz gathering at maging sa mga night club. Nang yayain siya ng reporter ng diyaryong Abante na maging photographer-partner, pumayag siya at dito rin siya nagsimula bilang reporter.
Si Layson ay kumuha ng AB Communications sa Far Eastern University (FEU). Bilang working student, tripleng pagsisikap ang kanyang ginawa at tuluy-tuloy na nagtrabaho bilang photographer, reporter at public relations man. Kailangan niya ang pera upang masuportahan ang sarili at dalawang nakakabatang kapatid na babae na nag-aaral sa kolehiyo.
Regular na pag-impok, natutunan
Si Layson ay natuto ng regular na mag-ipon sa pamamagitan ng walang palyang pagtatabi ng 20 porsiyento ng kanyang kita mula sa kanyang sahod at iba pang pinagkakakitaan. Ang nakagawiang ito ay naging malaking tulong upang malampasan ang dumating na unos sa buhay. Naipagamot niya ang kanyang ama na sumasailalim sa kidney dialysis.
Kuwento pa niya na ayaw umano ng kanyang ama na gastusin niya ang kanyang ipon sa pagpapagamot nito ngunit nagpilit si Layson at dahil nakapag-ipon na ito ng umabot sa halagang P2.5 milyon. Tumagal pa ng apat na taon bago binawian ng buhay ang kanyang ama.
Hindi naging madali ang mga pinagdaanan sa buhay ni Layson ngunit naniniwala itong ang Diyos ang naglagay sa kanya sa kanyang kinalalagyan sa ngayon dahil natutuhan niya sa kanyang ama na unahin ang Diyos bago ang lahat. Itinuro din nito sa kanya na magdasal paggising pa lang dahil ang Diyos ang siyang pinagmumulan ng ating lakas at direksyon sa buhay.