PNP Officer-In-Charge Lt. Gen. Archie Gamboa
ADMAR VILANDO
MAS paiigtingin pa ng Philippine National Police (PNP) ang paglilinis sa kanilang hanay matapos madismaya si Pangulong Rodrigo Duterte sa talamak na korapsyon sa pulisya.
Sinabi ni PNP Officer-In-Charge Lt. Gen. Archie Gamboa na naglatag na sila ng mga programa para sa internal cleansing upang matuldukan na ang mga alegasyon ng katiwalian laban sa kanilang mga miyembro.
Ayon kay Gamboa, mahigit sa dalawandaan at walumpung tiwaling mga pulis na ang nasisibak sa serbisyo mula nang umupo ito sa puwesto noong Oktubre 2019.
Nais din ni Gamboa na i-trim down ang regulatory functions ng PNP na siya raw pinag-uugatan ng katiwalian, gaya ng traffic enforcement.
Isinusulong din ng PNP OIC chief na dapat ay labing limang araw lamang ang haba ng summary hearing procedures para litisin ang kaso ng mga pasaway na pulis.
Matatandaang dinoble ng punong ehekutibo ang sahod ng mga tauhan ng pulisya sa paniniwalang maiiwasan na ang korapsyon sa kanilang hanay.