ADVAR VILANDO
UMAASA ang security cluster ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdudulot ng positibong resulta ang umiiral na unilateral ceasefire sa pagitan ng gobyerno at Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Sinabi ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na kahit umiiral ang labinlimang araw na unilateral ceasefire ay nagpapakita ito na walang kontrol ang grupo ni CPP founder Jose Maria Sison sa mga pag-atake sa state forces at hindi tumalima sa kautusan ng gobyerno sa ngalan ng holiday season.
Tinukoy dito ni Esperon ang magkakasunod na pag-atake sa mga sundalo sa Bicol at Western Visayas regions na ikinasawi ng ilang buhay.
Ayon kay Esperon, kung siya lang ang masusunod, hindi na nito hahayaan na mag-expire pa ang unilateral ceasefire hanggang sa makamtan ang selyado na usapang pangkapayaan ng dalawang panig.