ADMAR VILANDO
PORMAL nang naupo si Lt. Gen. Felimon Santos Jr. bilang bagong Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines o AFP.
Pinalitan sa puwesto ni Santos ang nagretirong si Gen. Noel Clement.
Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalit ng liderato ng AFP sa Camp Aquinaldo, Quezon City kamakailan.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng pangulo na natutuwa siya na naging bahagi sa pagbibigay ng parangal kay Clement at sa kanyang successful tour of duty bilang chief of staff ng AFP.
Tiniyak din ng pangulo na ipagpapatuloy niya ang suporta sa militar upang magkaroon ng mas maayos na kinabukasan ang mga mamamayan.
Sinabi rin ng pangulo na tiwala siyang susuportahan at makikiisa ang mga sundalo sa kanilang bagong lider na si Santos.
Bagong AFP Chief of Staff, nangakong tatapusin ang problema sa insurgency
Nangako ang bagong pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tatapusin nila ang problema sa insurgency bago magtapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni AFP Chief of Staff Lt. Gen. Felimon Santos Jr. na kumpiyansa sila na makakamit nila ang kanilang misyon na tapusin ang problema sa insurgency.
Ayon kay Santos, ipagpapatuloy nila ang localized peacetalks laban sa mga communist insurgents sa iba’t- ibang probinsiya sa pakikipagtulungan ng mga local chief executives.
Tiniyak din ng bagong pinuno ng AFP na mananatili ding nasa proactive measure ang militar para labanan ang teroristang grupo partikular ang Abu Sayyaf at mga ISIS-inspired groups.
Suportado din ni Santos ang kampanya ng gobiyerno laban sa war on drugs sa bansa.