Ni: Prof. Louie Montemar
Sa pagsasabatas ng Enhanced Basic Education Act noong Mayo 15, 2013, nasimulan ng Department of Education ang pagkakaroon ng dalawang dagdag na taon sa mga antas ng basic education sa bansa.
Binuksan ang Grade 11 noong SY 2016-2017 at ang Grade 12 noong SY 2017-2018. Nagtapos noong Marso 2018 ang unang buong batch ng mga estudyante sa high school na dumaan sa tinatawag na sistemang K-to-12. Ngayong Marso, ikalawang batch na ang magtatapos. Nakalatag na talaga ang K-to-12 sa bansa.
Ang mga nagtapos sa mataas na paaralan ay inaasahan na magkaroon ng mga pangunahing kasanayan na kinakailangan ng isang Filipinong magiging produktibong bahagi ng ekonomiya.
Sumumpa ang kasalukuyang Kalihim ng DepEd, si Dr. Leonor Magtolis “Liling” Briones, na buo ang suporta ng pamahalaang Duterte para sa mga reporma sa ilalim ng K-to-12 na sinimulan noong panahon ni Pangulong Noynoy Aquino. Lalo pa ngang tumaas ang budget sa edukasyon. Pahuhusayin pa nga raw ang edukasyon sa problema sa droga at palalawakin ang abot ng Alternative Learning System (ALS) ayon sa direktiba ng Pangulo.
Masyado pang maaga upang masabi kung tunay na mas mainam na ang kalidad ng edukasyon sa pangkalahatan dahil sa K-to-12. Marami pang dapat ayusin sa K-to-12 subalit may isang bagay na malinaw at ikinagulat ito ng DepEd. Ito ay tungkol sa rate of transition o bilang ng mga pumapasok pataas sa Grade 11 mula Grade 10 o ang dating 4th year high school. Naiulat ito na nasa 93 porsyento nitong nakaraang 2018. Dati, ang sukat ng paglipat na ito—ang dating 4th year high school patungo sa unang taon ng kolehiyo—ay bumaba na nga sa 50 porsyento.
Ibig sabihin, mas maraming bilang ng mag-aaral ang nakakukuha ng mas mataas na antas ng edukasyon, at kung gayon, mas malamang ang kanilang kahandaan upang maging produktibong bahagi ng ating lipunan.
Isang pagbati kung gayon sa DepEd. Sulong! Pagbati na rin sa lahat ng mga magtatapos ngayong pasara na naman ang isang taong-pampaaralan.
Nawa’y magamit nga ng ating mga magsisitapos ang kanilang kasanayan at talino para sa bayan at sa Diyos.