HANNAH JANE SANCHO
Isa ang bansang Russia na kilalang “superpower” pagdating sa nuclear energy, transportation at defense equipment.
Kaya isa ito sa ipinagmamalaki ng bansang Russia at siya ring nais ibigay na tulong sa Pilipinas na itinuturing nitong isang mahalagang kaibigan sa Asia Pacific Region.
Ayon kay Russian Ambassador to the Philippines Igor Khovaev, isang reliable partner ang Pilipinas kaya nakahanda ang kanilang bansa na tulungan ito.
Nitong nakaraang buwan ay bumisita sa Russia si Pangulong Rodrigo Duterte sa ikalawang pagkakataon.
Isa sa naging bunga ng pagbisita sa Russia ang pagpapahayag ng kanilang intensiyon na tulungan ang Pilipinas na magtayo ng nuclear power plant.
Ayon kay Ambassador Khovaev, ang kanilang bansa ang isa sa pinakamalaking producer ng nuclear power energy at nakapagpatayo na ng pinakasophisticated na mga planta sa ibang bansa.
Nakahanda ang Russia na tulungan ang Pilipinas sakaling nakahanda na ang gobyerno at payag din ang publiko dito.
Nilinaw ng Russia na intensiyon lang ang kanilang inihayag sa gobyerno at wala pang pormal na kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa kaugnay sa posibilidad na magtayo ng isang nuclear power plant.
Iginiit ng Russian envoy na nasa kamay pa rin ng gobyerno ng Pilipinas at ng taumbayan ang desisyon kung nais nila itong ikonsidera bilang isa pang mapagkukunan ng enerhiya ng bansa.
Pinawi ni Ambassador Khovaev ang agam-agam ng marami kaugnay sa usapin ng kaligtasan dahil na rin sa ang Pilipinas ay isa sa mga bansang madalas niyayanig ng lindol.
Paliwanag ng Russian ambassador na pagdating sa pagtayo ng nuclear power plant ang bansang Russia ang pinaka-sophisticated at pinakaligtas.
Patunay dito ang nasa mahigit 30 nuclear power plants na naitayo nito sa iba’t ibang panig ng mundo gaya ng India, Bangladesh, Turkey at Hungary.
Magugunitang sinabi ni Pangulong Duterte na kaniya munang kokonsultahin ang kaniyang gabinete at iba pang may taya sa usapin ng pagtatayo ng nuclear power plant sa bansa.
Kinumpirma ng Russia na kasalukuyang pinaplantsa na ng defense cooperation ng dalawang bansa.
Ayon sa Russian envoy, balak ng Pilipinas na bumili ng helicopter sa kanilang bansa na gagamitin ng Armed Forces of the Philippines para sa seguridad at humanitarian aid.
Ipinagmalaki ni Ambassador Khovaev na kahit mismo ang Estados Unidos ay gumagamit lamang ng mga helicopter na gawa sa Russia lalong-lalo na kapag may misyon ito sa mga conflict areas gaya ng bansang Afghanistan.
Lahat ng defense equipment mapa armas, submarine at iba pang makapagpapalakas sa security forces ng Pilipinas ay handang i-supply ng Russia.
Ipinagmalaki ng Russia na di tulad ng ibang bansa, tinitiyak nilang brand new ang ibibigay sa Pilipinas at hindi napaglumaan nila.
Nakahanda rin silang tulungan ang Pilipinas na ituro ang kaalaman tulad ng paggawa ng sariling armas gamit ang kanilang teknolohiya.
Sa pamamagitan nito ay makatitiyak ang Pilipinas na mataas ang kalidad nito kahit pa sa Pilipinas ito ginawa basta’t kanila ang teknolohiya.
Nagbigay din ng katiyakan si Russian President Vladimir Putin na welcome ang mga Pilipinong magtrabaho sa kanilang bansa.
Gayunpaman nilinaw ni Ambassador Khovaev na ang usapin ng legalidad ng mga maraming Pilipino na may problema sa kanilang working visa sa kanilang bansa ay kailangan plantsahin muna itong mabuti.
Nagbigay na ang Russia ng kanilang suhestiyon kaugnay sa usaping ito at inaantabayanan na lang ang magiging hakbang ng Department of Labor para tugunan ito.
Marami sa mga Pilipino ang nagtatrabaho sa Russia bilang mga household helper, nurses, engineers at iba pa.
Sa mga susunod na buwan at taon ay makikita ang magiging resulta ng mga kasunduang nabuo sa pagitan ng dalawang bansa.
Umaasa ang mga Pilipino na tunay ngang magkaroon ito ng magandang resulta para sa interes ng bansa at ng mga Pilipino.
Naway hindi ito mapakong pangako gaya ng nakita ng bansa mula sa matagal nang kaalyadong bansa ng Pilipinas.