EUGENE FLORES
IAANGAT na sa taas ng American Airlines Arena ang jersey ni Dwyane Wade matapos magretiro last season.
Nakatakda itong ganapin sa Pebrero 22 sa laban ng Heat kontra sa Cleveland Cavaliers.
Magkakaroon ng maikling programa sa halftime para sa pagreretiro ng numero ni Wade sa Heat. Ibig sabihin nito ay wala nang ibang pwede pang magsuot ng numero tres sa Miami at isa na si Wade sa itinuturing na “greatest to ever wear a Heat uniform.”
Mayroong tatlong kampyeonato si Wade at isang Finals MVP mula rito. Taong 2008 nang makuha niya ang unang titulo katuwang si NBA great Shaquille O’Neal at dalawang magkasunod naman (2012-2013) kasama sina LeBron James at Chris Bosh.
Halos ginugol nito ang 16 na NBA seasons kasama ang Heat kung kaya’t siya ang leader sa puntos, assists, laro, steals, shot made at shot taken ng Miami.
Naging 13-time NBA All-Star din si Wade at isang first ballot future Hall of Famer kung kaya’t nararapat lamang na iretiro ang kanyang numero.
Parte rin ng USA gold medalist team si Wade sa Olympics at marami pang ibang achievement sa kanyang makulay na karera.
Nauna nang nairetiro ng Miami ang jersey ni Bosh bagamat hindi na muling nakabalik sa basketball dahil sa pagkakaroon ng blood clot.