Eduard Folayang nais muling kunin ang titulo ng One Championship lightweight king.
Ni: Jonnalyn Cortez
Maghaharap si Eduard Folayang at Amir Khan sa loob ng ring upang paglabanan ang titulong ONE Championship lightweight title pagkatapos magbitiw ni Martin Nguyen.
Matatandaang binitawan ng two-division champion ang naturang titulo pagkatapos magtamo ng pinsala sa kanyang tuhod.
Inanunsiyo ni One Championship founder, chairman, at CEO na si Chatri Sityodtong ang paghaharap ni Folayang at Khan para maging bagong kampeon ng dibisyon.
Amir Khan nais maging unang Singapore homegrown champion.
PAGHAHARAP NI FOLAYANG AT KHAN
Hindi magtatagal at muling mapupunan ang nabakanteng titulo ng ONE Championship’s lightweight division.
Inihayag ni Sityodtong sa isang Facebook post kamakailan ang nalalapit ng paghaharap ni Folayang at Khan para sa nasabing trono.
“I am excited to announce that Eduard and Amir will face each other for the ONE Lightweight World Championship on November 23 in Manila!” anito. “The stakes could not be any higher for both warriors in what will be the biggest fight of their careers.”
Papalitan ng kung sino mang magwawagi ang hawak na titulo ni Nguyen, pagkatapos nito mawalan ng kakayanan na depensahan ang kanyang trono dahil na rin sa natamong pinsala.
Martin Nguyen nagbitiw bilang One Championship lightweight champion.
KILALANIN SI FOLAYANG
Pinahanga ng 33-taong-gulang na taga Cordillera na si Folayang ang marami ng makatanggap ito ng “back-to-back unanimous decision” laban sa mga kilalang mapanganib at malalakas na Russian grapplers na sina Aziz Pahrudinov at Kharun Atlangeriev.
Unang nakatanggap ng titulong world champion si Folayang ng magtagumpay ito laban sa kilalang Japanese legend na si Shinya Aoki sa Singapore noong 2016. Nagwagi ito sa ikatlong round na inanunsyong total knockout (TKO). Pagkatapos lamang ng dalawang taon, susubukan nitong maging unang two-time One lightweight champion sa harap ng kanyang mga kapwa Pilipino.
Matatandaang hindi nagtagumpay si Folayang na masungkit ang nasabing titulo laban sa ONE featherweight champion na si Nguyen noong Nobyembre ng nakaraang taon. Nagwagi ang huli sa ikalawang round na inanunsyong knockout.
Mula ng pagkatalo, nagtagumpay si Folayang na ibangon ang kanyang pangalan ng magwagi ito laban kina Atlangeriev at Pahrudinov.
Sinubukan din nitong maging pang-apat na manlalaban ng Team Lakay na makakakuha ng titulo.
“Eduard wants to reclaim his title and go down as the greatest Filipino martial artist in history,” sabi ni Sityodtong ukol kay Folayang.
Matagumpay na napagwagian ni Folayang (20-6) ang anim sa kanyang pitong huling laban.
Kapag maswerteng nasungkit ni Folayang ang world championship title, magiging pang-apat na tuluy-tuloy na panalo na ito ng Team Lakay ngayong 2018.
MULA SA EVOLVE MMA NA SI KHAN
Makakalaban ni Folayang ang 23-taong-gulang na si Khan. Mula ang knockout artist na ito sa kilalang grupo na Evolve MMA ng Singapore.
Ito ang unang pagkakataon na tutungtong si Khan sa loob ng ring upang makuha ang world championship. Kapag nagwagi, maaari siyang maging kauna-unahang homegrown world champion ng Singapore.
“Amir wants to become Singapore’s first homegrown World Champion in history, and stamp his legacy as the greatest Singaporean martial artist the world has ever seen,” ani Sityodtong ukol kay Khan.
Napagtagumpayan ni Khan ang walo sa siyam niyang huling laban. Hinangaan din ito ng marami nang manalo sa unang round laban sa kapwa top lightweight contender na mula sa Team Lakay na tulad ni Folayan na si Honorio Banario nito lamang Setyembre.
ANG PAGTUTUNGGALI
Parehong kilalang magaling na manlalaban ang magkatunggaling si Folayang at Khan.
Itatanghal na bagong kampeon ang sinomang magwawagi sa pagitan ng dalawang magkalaban. Gayunpaman, nag-organisa ang ONE Championship ng isang four-man lightweight tournament, bagaman hindi ito isang “deliberate decision.”
Haharap sa sinomang mananalo sa loob ng ring ang magwawagi sa pagitan ni Ev Ting at Shinya Aoki sa darating na Marso ng susunod na taon sa Tokyo.
Sinasabing kinokonsidera na para sa lightweight title ang naturang labanan, ngunit ipinasiya ng mga opisyal ng promosyon na masyado itong malapit sa labanan ni Folayang at Khan upang gawing isang five-round championship fight.
“Barring any injuries or unforeseen circumstances, I fully expect the winner between Ev and Shinya to face the winner between Eduard and Amir in Tokyo,” ani Sityodtong.
Nakatakdang ianunsyo ni Sityodtong ang kung sinomang mananalo sa labanang Aoki-Ting ay haharapin ang mananalo ng labanang Folayang-Khan para sa titulong world champion sa 2019.
Maghaharap si Folayan at Khan sa darating na Nobyembre 23 sa Mall of Asia sa Pasay City.