Ni: Jonnalyn Cortez
Kinumpirma na ng OnePlus CEO na si Pete Lau ang paglabas ng kanilang bagong smartphone na OnePlus 6 sa darating na Hunyo. Matatandaang sa parehong buwan din inilabas ang successor nitong OnePlus 5 noong nakaraang taon.
Hindi pa inihahayag ni Lau ang opisyal na tawag sa nalalapit ng ilabas na mobile phone, ngunit pinaniniwalaang ito nga ay papangalanang OnePlus 6. Kung matatandaan, kabilang ang naturang smartphone sa nag-leaked na listahan ng mga cellphone na ilalabas ngayong 2018 na may Qualcomm Snapdragon 845 processor.
Ang posibleng specs at features ng OnePlus 6
Ngayon, sa isang panayam kay Lau sa CNN, kinumpirma nito ang pagkakaroon ng OnePlus 6 ng nasabing chipset. Simula nang mapansin ang pagiging out of stock ng OnePlus 5 sa U.S. at sa U.K., naging bulung-bulungan na ang paglabas ng OnePlus 5T o kaya naman ng OnePlus 6 sa merkado.
Sinasabing isa sa dalawang ito ang magiging unang smartphone na gawa ng OnePlus na may QHD panel na may 6-inch 18:9 ratio na screen. Batid din na ang kumpanyang ito ay naglalabas ng mga smartphones na may kaparehong features at specs tulad ng sa Samsung at Apple units, ngunit sa mas mababang halaga.
Sa ngayon, hindi pa rin inihahayag ng OnePlus ang kumpletong features ng OnePlus 6. Ngunit, usap-usapan na sa social media at internet ang mga posibleng specs nito. Ang fingerprint sensor ng OnePlus 5T, na kalalabas lang noong Nobyembre ng nakaraang taon, ay inilipat na sa likurang bahagi ng smartphone upang magbigay ng mas malaking espasyo sa all-screen front display nito.
Ngunit ayon sa isang report ng GizmoChina, ang nasabing fingerprint sensor ay muling ibabalik sa harapang bahagi ng OnePlus 6 sa bandang ibaba ng screen. Sinasabi namang hindi ito makaaapekto sa kabuuang laki at design ng screen ng smartphone. Sinasabi ring maaari itong magdala ng 6GB o 6GB RAM na may 64GB o 128GB na memory.
Sa isang tweet, gumawa naman ng poll ang OnePlus director na si Carl Pei upang pagbotohan kung nais ng mga users ang pagkakaroon ng headphone jack o wala ng kanilang mga smartphones. Matatandaang pagkaraan ng tatlong linggo pagkatapos ng kanyang huling tweet kung saan siya’y nagtanong ukol sa headphone jack noong 2016, inilabas ng kumpanya ang OnePlus 3T.
Sa ngayon, hindi pa nakukumpirma kung magkano ang eksaktong presyo ng OnePlus 6 sa merkado, ngunit inaasahang maglalaro ito mula P30,000 pataas.
Ang mga nais makitang improvements ng users sa OnePlus 6
Unti-unti nang nakikilala ang OnePlus sa patuloy na pag-i-improve nito ng design at build ng kanilang mga smartphones. Kaya naman, inaasahan ng mga panatiko ng kumpanya ang pagkakaroon ng full metal body at attractive finish ng OnePlus 6.
At dahil may mga bulung-bulungan na may QHD panel ito na may 6-inch 18:9 ratio na screen, nais din ng mga users nito na magkaroon ang naturang smartphone ng AMOLED screen. Dagdag pa rito, dahil naman sa pagkakaroon nito ng Qualcomm Snapdragon 845 processor at mas malaking screen, inaasahan ng mga mobilephone enthusiasts na magkakaroon ito ng battery na may mas malaking kapasidad kumpara sa 3,300mAh cell ng OnePlus 5T. Dahil rito, inaasahan ding meron itong abilidad na superfast-charging technology or Dash Charge, na isa sa mga pinagmamalaking features ng OnePlus.
Bukod pa rito, nais din ng mga OnePlus users na magkaroon ang OnePlus 6 ng mas improved na Face Unlocking system na may depth sensors upang maiwasan itong magamit ng iba.
Sa camera naman, dahil nga mahilig mag-selfie at kumuha ng mga larawan ang mga Pinoy, inaasahan ang nasabing smartphone na magkaroon ng mas maayos na low light performance – tulad na lamang ng magagandang kuha ng Pixel 2 at Galaxy S8. Sa front camera naman ay ninanais ng mga users ang mas soft na kuha ng pictures lalo na sa mga anggulong may maliliwanag na backlighting.
Inaasahan ding meron itong built-on Android Oreo system at na-cu-customize na Oxygen OS.
Magkakaroon kaya ng OnePlus 6T?
Sa kabilang banda, hindi naman sigurado si Lau kung magkakaroon ng pangalawang OnePlus device na ilalabas ngayong taon. Hindi rin sila tiyak umano kung magkakaroon ng OnePlus 6T version ang OnePlus 6.
Ngunit sa pagkakakilala sa kumpanyang OnePlus at sa mga nailabas na nitong mga smartphones, ito ay hindi malabong mangyari. Sa katunayan, kalalabas lamang nito ng Sandstone White version ng OnePlus 5T noong nakaraang linggo.
Ang planong pag-e-expand ng OnePlus
Samantala, sinabi rin ni Lau na kinukunsidera na rin nila ang pagpapalawak ng pagpapakilala ng kanilang kumpanya sa pamamagitan ng pakikisosyo sa mga U.S. carriers. Pag natuloy ang naturang plano, sinasabing malaki na ang oportunidad ng OnePlus na mapansin ng mainstream market, sa halip na maging eksklusibong kilala lamang ng mga Android users.
Bukod sa pagiging kilala dahil sa kanilang smartphone, marami rin ang humahanga sa OnePlus dahil sa kanilang magandang after-sales support.
Sa ngayon, kailangan na lamang nating maghintay hanggang Hunyo upang makita kung ano talaga ang mga kayang gawin ng OnePlus 6.