Ni: Jun Samson
MAHIGIT dalawang buwan matapos ipinasara ng pamahalaan ang isla ng Boracay ay patuloy at walang ti-gil ang ibat-ibang ahensya ng gobyerno sa paghahanap ng mga paraan para mabigyan ng pangkabuhayan ang mga displaced workers o mga manggagawa at mga residente duon.
Lahat kasi ng mga residente duon ay umaasa sa mga pagkakakitaan na kaugnay sa turismo sa nasabing isla. Isa lamang sa pantulong o temporary assistance ay hinimok ng Department of Labor and Employment ang libu-libong mga manggagawa na naapektuhan ng pansamantalang pagsasara ng Boracay.
Payo ng DOLE na kumuha sila ng assistance package na ipinagkakaloob ng pamahalaan sa ilalim ng AMP o Adjustment Measures Program.
Ipinaliwanag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na mula kasi sa 19 libong rehistradong manggagawa sa Boracay ay nasa 3,600 pa lamang sa kanila ang nag-apply sa natu-rang programa.
Ipinagmalaki ng DOLE na kabilang sa mga tulong na ipinangakong matatanggap ng mahigit tatlong libong manggagawa na pumaloob sa programa ay P4,200 na buwanang pinansyal na suporta sa loob ng anim na buwan, pagsasailalim sa skills training at tulong para makahanap ng trabaho sa labas.
Pero nilinaw ng DOLE na ito ay para lamang sa mga manggagawa na nasa formal sector.
Layunin ng Programang AMP sa Boracay Emergency Employment Program o BEEP na paghusayin ang tinatawag na employability at competitiveness ng mga benepisyaryo at mapahupa ang epekto sa kanila ng rehabilitasyon ng isla.
Ang mga interesadong aplikante ay kinakailangan lamang umanong magsumite ng BEEP AMP application form, kopya ng certificate of employment, kopya ng ID na inisyu ng gobyerno at katibayan ng account sa Land Bank of the Philippines sa DOLE Regional Office VI o sa mga field offices nito. Para naman sa mga manggagawa sa informal sector at mga indigenous people ay nagbibigay ang DOLE ng emergency employment sa pamamagitan ng sampung araw na community work sa ilalim ng kanilang TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers.
Malungkot man ay nagpahayag naman ng pag-sang ayon at suporta sa closure ang mga residente kahit pansamantala silang nawalan ng trabaho.
Naniniwala kasi sila na sa bandang huli o kapag natapos na ang paglilinis sa Boracay Island at tuluyan na itong binuksan sa publiko o sa mga local at foreign tourists ay mas lalo pang madadagdagan o lalaki ang kanilang kita dahil inaasahan na mas malaking bilang ng mga turista ang dadagsa sa kanila kapag nare-open na ang isla.