Ni: Ana Paula A. Cunua
BAHAGI na ng ating kultura ang pagluluto ng pansit, may okasyon o simpleng meryenda lamang,may bisita o salu-salo lang ng pamilya, asahan na ang pansit ay hindi papalyang handa sa kainan.Madali at masarap ihain, ito ang pangunahing katangian ng pansit. Lahat ng probinsya sa bansa ay may kanya-kanyang version nito, nariyan ang pansit Habhab, pansit malabon, pansit guisado, pansit bato at patuloy na nadadagdagan pa!
Isa sa mga probinsyang may espesyal na lutong pansit ay ang Bulacan, na kung tawagin nila ay pansit alanganin, ibig sabihin alanganing mami, alanganing guisado, ito yung pansit na may kaunting sabaw, mas malasa at mas masahog kumpara sa guisado.
HINDI KA BIBIGUIN NG PANSIT ALANGANIN
Unang nakilala sa Bocaue Bulacan ang pansit alanganin sa kainan ni Aling Nory. Hindi nga kumpleto ang pagbisita mo sa Bulacan kung hindi mo ito matitikman, dahil kapag dinalaw ka ng gutom sa pamamasyal at pamimili ang dapat na tikman ay espesyal naman ng kanilang probinsya, isa na ang natatanging pansit alanganin na hinding-hindi ka bibiguin sa sarap. Pinakamatagal at pinakasikat, ganito ituring ang pansit alanganin ni Aling Nory. Sa kabila ng kasikatan nito nanatiling malapit sa masa ang presyo ng kanilang mga pansit na naglalaro lamang sa P35.00 hanggang P40.00, sulit na sulit!
LUMANG PARAAN NG PAGLULUTO
Nanatiling sa pugon nagluluto ang restaurant ni Aling Nory, may paniniwala kasi na napapanatili ang sarap at lasa ng anumang pagkain kapag niluluto sa pugon. Bagama’t nagluluto rin ito madalas sa kalan upang matugunan ang ma-daming orders, napapanatili pa rin ng restaurant ang nakagisnan nitong lasa na nakilala na ng mga parokyano.
NAGSIMULA SA SILONG
Nagsimula sa silong ang pagsisikap ng pamilya Esguerra sa pangunguna ng kanilang butihing ina na si Felicidad Esguerra, doon niluluto at itinitinda nila ang lugaw, tokwa, baboy at pansit palabok. Kumpara kasi sa ibang negosyo maliit lamang ang puhunan na kailangan sa paglulugaw, madali pang mababawi ang kapital.
Sa silong nagmumula ang hanap-buhay ng pamilya Esguerra, ito ang bumubuhay sa kanilang sampung anak matapos ang World War II. Panganay sa magkakapatid si Nory, at dahil panganay, nasa kanya ang responsibilidad na tumulong sa hanap-buhay ng mga magulang.Tulad ng ilang nagsisi-mula pa lamang sa negosyo, ginamit ni Felicidad ang mga bagay na mayroon lamang sila bilang sangkap ng kanilang pagkain. “Sa iba plain bihon lang po, dito medyo soupy, may patola sa ingredients kaya medyo Pinoy talaga,” kwento ni Gemma Cruz na anak ni Aling Nory.Hindi kinalaunan noong makaipon na sila ay nadagdagan ng pansit guisado, at pansit alanganin ang kanilang menu.Magkaagapay sa negosyo ang mag-inang si Felicidad at Nory upang busugin ang kanilang mga parokyano na karaniwang pagod sa trabaho at nais ng masarap na meryenda.
>li>
Nagsimula sa hilig kumain ni Felicidad ang pansit alanga-nin, “Mahilig ang lola ko kumain, dati pupunta siya para magsimba sa Quiapo tapos diretso sa Ongpin at Binondo para kumain ng pansit, mula doon naisip ni lola ko na pagsamahin ang mami at guisado.” Kahit na patuloy na nakikilala na sa kabuuan ng Bulacan hindi na lamang sa Bocaue, hindi inilayo ng pa-milya ang presyo ng kanilang pagkain sa masa, hindi rin sila nagtitipid sa sangkap, dahil kung kayo ay bibisita sa kanilang kainan, matitikman ang pansit na puno ng sahog dahil sa toppings na gulay, karne ng baboy at chicharong baboy, idagdag pa ang kaunting sabaw nito na nagdadagdag ng lasa at init sa pansit.
Isa rin sa mga mabentang pagkain sa restaurant ang all-year round nilang halo-halo na swak panghimagas nating mga Pinoy.
SAKRIPISYO NI NORY
Bilang panganay at inaasahan sa pamilya, mas inu-na ni Nory na tumulong sa kanilang hanap-buhay. Dahil sampu silang magkakapatid, mas inuna niya na mapag-aral ang mga nakababata niyang kapatid habang silang mas nakatatanda ay tumutulong sa negosyo. “Dumadayo pa ho ako ng palengke pag araw at nagtitinda po ako ng palabok at pansit, madalas umaabsent po ako sa eskwela,” kwento ni Aling Nory. Sa sampung magkakapatid siya lamang ang hindi nakapagtapos, ngunit kahit ganoon paman ay wala siyang pinagsisisihan dahil giit niya, “hindi na po ako nagsisi dahil mahal ko po ang mga kapatid ko”Hindi na nakatungtong ng highschool si Nory, upang patuloy na matustusan ng kanilang mga magulang ang pag-aaral ng magkakapatid, dahil ang malungkot na katotohanan noon, sa pami-lyang mahirap at marami, hindi lahat ay kakayaning mapagtapos basta’t maru-nong ng sumulat, magbilang at magbasa tapos na rin ang pagpasok mo sa eskwela dahil kailangan nang magbanat ng buto para may mailaman naman sa sikmura.
SIKRETO SA MATAGAL AT MATATAG NA NEGOSYO
Hindi sa laki ng kapital ang batayan upang magkaroon ng matagal at patok na negosyo. Madalas yung simple lamang at walang pakulo ang pumapatok. Sa negosyo ng kainan ang susi sa matagal at matatag na negosyo ay ang kakayahang magdevelop ng sariling lasa sa mga lutuin.Kung magdadagdag sa menu, maari na huwag alisin ang naunang menu lalo pa’t kung patuloy itong nabebenta. Katulad ni Nory, sa tagal ng kanilang kainan nanatili sa menu nila ang lugaw, tokwa at baboy dahil doon sila nagsimulang nakilala, nadagdaganlamang sila ng pansit na ngayon ay dinadayo na.
Panatilihin sa abot-kaya ang presyo habang hindi naisa-santabi ang sarap ng tinitinda, ito ang naglalapit sa masa ng inyong pagkaing inihahain.Huwag tipirin ang lasa ng pagkain, mawawalan lamang ng saysay kung mawawala ang nakilalang sarap.Huwag tumigil sa pagkatuto. Mainam din na makahanap ng mga mapagkakatiwalaan sa pagpapatakbo ng negosyo,ito ang dahilan kaya madalas tayong mga Pinoy at Insik ay mahilig sa family business.